Bagong pangarap para sa bagong dekada

by Sankage Steno

Napuntahan ko na lahat ng gusto kong puntahan sa Pilipinas. Sa mas mayabang na pananalita, nakapaglakbay na ako mula Batanes hanggang Tawi-Tawi. Iyon nga lang, hindi ko pa napupuntahan ang lahat ng lalawigan o bayan sa ating bansa. Hindi naman kasi iyon ang pangarap ko noon.

Bago ako magtapos ng kolehiyo, sinabi ko sa sarili ko na dapat ay makalabas ako ng Luzon bago ako mamatay. Nagawa ko naman agad, at higit pa. Hindi lang ako nakalabas ng Luzon, pati Pilipinas nagawa kong labasan. (Parang bastos?) Pero iyong mga biyahe ko sa labas ng bansa ay hindi ko gastos. Trabaho kasi. Alam mo na, perks of being a journalist.

Kung tatanungin mo ako ng limang pinakapaborito kong napuntahan sa Pilipinas, may nakahanda akong sagot. Gamit ko ang tatlong pamantayan:

  • Ganda ng (mga) tanawin
  • Bait/Ugali ng mga Tao
  • Tindi ng Karanasan

Base sa mga ito, ang limang pinakapaborito kong lugar sa bansa ay ang mga sumusunod (in no particular order dahil ang hirap po talaga):

  • Palawan
  • Boracay
  • Mt. Pulag
  • Batanes
  • Tawi-Tawi

Bukod sa pagsasakatuparan ng aking pangarap na makapaglibot sa minamahal kong bansa, nagawa ko ring makapagsulat ng hindi lang isa kundi tatlong (o apat) nobela. Iyon nga lang, hindi ko pa sila nailalathala. Hindi ko naman kasi pangarap iyon. Ang sabi ko lang sa sarili ko ay gusto kong makapagsulat ng nobela.

Sa dami ng mga pangit kong naisulat, medyo natutunan ko na kung saang tema ako pinakakomportable at kung para kanino ako dapat magsulat maliban sa aking sarili. Mas madali kasi kapag may inaalayan ka ng iyong gawa.

Sa pagtatapos ng isa na namang makulay na dekada sa buhay ko, lubos akong nagpapasalamat sa aking sarili at sa napakaraming taong tumulong (sadya man o hindi) para makamit ko ang aking mga mithiin. At sa pagpasok ko sa panibagong dekada ng aking buhay, panahon na naman para bumuo ng mga bagong pangarap.

Kung noong una ay pangarap ko lang makapagsulat ng nobela, ngayon ay pipilitin kong mailathala ang mga gawa ko para maipabasa sa mga taong alam kong matutulungan nito o malilibang dito.

Kahit tapos na ako sa pangarap kong makapaglakbay, hindi ko naman isinasara ang sarili sa mga pagkakataong makapagbiyaheng muli dito man o sa ibang bansa. Kung maglalakbay muli, gusto ko ay may kasama na ako.

Panghuli, umaasa akong bago lumipas ang isa pang dekada ay may sarili na akong tahanang pupunuin ko ng magagandang alaala at pag-ibig.

Advertisements