Anong gagawin mo ‘pag nagka-martial law?

by Sankage Steno

Tinanong ko ‘yan sa mga kaibigan ko nung minsang magkita-kita kami nitong Sabado. Ang sagot ng isa kong friend na babae e tanong din, “Selfish ba masyado kung aalis na lang ako ng Pilipinas?”

Nagkasabay naman kami ng sagot ng friend kong lalaki, “Di naman. Understandable.”

At natapos na do’n ang usapan.

Hanggang ngayon e iniisip ko pa rin kung anong gagawin ko kung sakaling maging sobrang makapangyarihan ng mga pulis at sundalo, tapos uusigin yung lahat ng kokontra sa pamahalaan, lalo na yung mga nagtatrabaho sa media, pati na rin yung mga netizens na tulad ko.

Ang una kong naisip e i-shut down itong blog ko. Kung hindi ko man s’ya isara, baka itigil ko na yung pagsusulat dito ng mga post na tumutuligsa sa pangulo at sa kanyang mga tauhan sa gobyerno. Baka ang isulat ko na lang e tungkol sa mga trip ko o sa mga nakakatawa kong karanasan.

Hindi naman sa natatakot akong baka hulihin ako at patayin. I mean, oo, nakakatakot ‘yon, pero mas inaalala ko kasi yung mga taong nakapaligid sa ‘kin, particularly yung pamilya at mga kaibigan ko. Baka kasi madamay sila kung sakaling patuloy akong magtatapang-tapangan at lalaban sa mga sumisiil sa ating kalayaan.

Kung ako lang yung pupuntiryahin kasi ng mga pwersa ng pamahalaan, makakaya ko namang magtago o umiwas sa gulo. E pa’no na lang kung gamitin nilang collateral yung mga mahal ko sa buhay? Yun ang mahirap. Yun ang hindi kakayanin ng konsensya ko. Dun ako mas natatakot.

Sa nangyayari kasi ngayon, kahit wala pang batas militar, nakikita na natin yung kapalaluan at kalapastanganan ng ilang miyembro ng PNP. Tulad na lang nung nangyari sa Korean businessman na kinidnap, pinatay, sinunog ang bangkay at itinapon sa inodoro. How inhuman can you be po, di ba?

At parang balewala lang ‘to kina Duterte at Dela Rosa.

Kung ngayon pa lang na walang martial law e nagagawa na nila ito, pa’no pa kung nakakasa na ulit yung batas na ‘yon? Mapapatigil nga siguro ako sa pagba-blog… pero hindi sa pakikipaglaban.

Advertisements