Sana ikaw na lang

by Sankage Steno

Ang ganda ng babaeng katapat ko rito sa bagong office. Sana naging lalaki na lang s’ya.

Sinabi ko ‘yan sa katabi ko rito sa opisina. Ang reply n’ya, “sana naging lalaki na lang s’ya o sana naging lalake na lang ikaw?” Ang sagot ko, “sana naging lalaki na lang s’ya pa rin. hahaha.”

Alam mo, parekoy, matagal ko nang tinanggap sa sarili kong bakla ako. Hindi ako lalaki, hindi ako babae, hindi ako bisexual, hindi ako pansexual, hindi ako transsexual, hindi ako asexual. Ako po ay isang bakla. Homosexual. Gay. Bading. Gusto mo isama ko pa pati yung derogatory terms para sa ‘min?

No way.

Naiintindihan ko naman kung bakit hirap kang intindihin yung bagay na ‘yon. Parang ganito lang ‘yan e. Hindi mo maiintindihan kung paano maging ina hanggat di ka nagiging ina mismo. Hindi mo maiintindihan ang sakit ng panganganak hanggat di ka pa nanganganak. Hindi mo maiintindihan ang sakit at tamis ng pag-ibig hanggat di ka pa umiibig.

Gets? Parang ganyan.

Ang kaunting kaibahan lang, hindi mo naman kailangang maging bakla para maintindihan ang pinagdaraanan ng mga taong tulad ko.

Yung sakit na dulot ng pagturing sa amin na kami ay iba, yung hindi pagtanggap sa ‘min sa trabaho dahil sa kasarian namin, yung mga patagong galawan namin kapag gustong manligaw dahil nakakahiya sa iisipin ng ibang tao, yung pagturing sa amin bilang comic relief, yung pag-stereotype sa amin bilang parlorista, at marami pang iba.

But don’t me wrong, parekoy. Hindi ako humihingi ng simpatya o awa mula sa ‘yo. Mahirap maging bakla pero ayos lang. We’ve been riding this dragon for a long time kaya sanay na sanay na kami. Ang hiling ko lang ay, guess what, pang-unawa. At, hopefully, kapag naunawaan mo na, susunod naman ang pagtanggap.

At kapag sinabi kong pagtanggap, hindi yung titiisin mo lang kami. Ang ibig kong sabihin, dapat ang turing mo sa ‘kin e tulad lang din ng pagturing mo sa sarili mo at sa mga kapwa mo “straight.”

Tama ba ‘ko, Papa P?

Advertisements