Kayang-kaya kitang i-shoot

by Sankage Steno

Naghahapunan kami nang biruin ako ng isa kong kapatid at sabihing lampa raw ako at hindi marunong mag-basketball. Dahil hindi ko alam kung bakit napag-initan ako bigla at dahil ayokong palampasin ang kantiyaw sa akin, ibinigay ko ang kontrol ng utak ko kina Anger at Disgust.

Sabi ko, “Noong bata pa ako, kapag pinapakilala ako ni Papa sa mga kaibigan n’ya at sa iba pang kamag-anak, ang lagi nilang sinasabi sa ‘kin, ‘Ay ang tangkad; bagay na basketball player.’ Bwisit na bwisit ako kapag naririnig ko ‘yon. Kaya sinadya kong hindi maglaro ng basketball.”

Ayoko kasing napapansin ako at ayokong naii-stereotype o ikinakahon ang pagkatao. At sa kultura nating basketball ang sukatan ng pagkalalaki, sukatan ng magagaling na university at kahon para sa matatangkad na lalaki (Beauty queen naman kapag matangkad na babae), lalo kong kinapootan yung larong iyon.

Sa madaling salita, sinadya kong hindi maging magaling sa basketball.

Pero sinabi ko rin sa mga kapatid ko na varsity ako ng table tennis noong grade school, magaling ako sa badminton at volleyball, mahusay din akong mag-bowling, nag-aral ako ng basic taekwondo at mabilis akong tumakbo kahit mataba ako noon.

Idinagdag ko pa na magaling akong sumayaw, at cheer dancer ako noong college (not varsity) at nanalo kami sa sinalihan naming contest. Hindi ko na sinabing umaakyat din ako ng bundok at kung pisikalan lang ang labanan, hindi ako magpapatalo. Akala kasi nila puro utak lang ako.

Pweh.

Hindi ako athletic na tao pero mas athletic ako kumpara sa maraming iba d’yan. At hindi ko kailangan ng basketball para magpakalalaki o para mapakinabangan ang height ko. Sineryoso ko talaga yung biro ng kapatid ko, ‘no? I love you, brothers, kahit gusto ko kayong suntukin sa mukha minsan. 🙂

Kung gusto mo ng basketball, fine, play it, watch it. Pero ‘wag na ‘wag mo sasabihing sayang ang height ko o dapat naging basketball player na lang ako dahil kayang-kaya kitang sipain sa ulo kahit nakatayo ka pa at wala akong warm-up. Ngayon, kung shootan lang ang labanan, ehem, magaling ako d’yan… if you know what I mean.

Advertisements