Mag-solo trip ka kung kaya mo

by Sankage Steno

Maraming beses na ‘kong bumiyaheng mag-isa sa loob at labas ng bansa. Minsan dahil gusto ko, minsan dahil kailangan sa trabaho at minsan dahil wala akong boyfriend. Kung gusto mo akong maging nobyo, sabihin mo lang.

Marami akong natutunan sa mga paglalakbay na ito, pero marami rin akong kamalasan. Narito ang ilan sa kanila:

1. Dapat handa kang masaktan. Physically, malaki ang chances na madisgrasya ka, tulad ng nangyari sa ‘kin sa Zamboanga City. Nahulog ako sa Merloquet Falls at sumabog yung kilay, labi at ilalim ng mata ko. Kalahati ng mukha ko, duguan. Buti na lang at nagkataong may isang barkadahan ng turistang tumulong sa ‘kin. Kung wala, baka patay na ‘ko ngayon.

Emotionally and mentally, mas makakapag-isip ka dahil mag-isa ka lang, walang kausap at walang kakuwentuhan. Maaalala mo ang ibang masasakit na pangyayari sa buhay mo, sa love life, atbp. Makakapagtanong ka rin ng existential questions tulad ng “Bakit ako pa?”, “Ano bang purpose ko sa mundo?”, “Bakit kailangan kong pagdaanan ang mga bagay na ‘to?”, atbp.

2. Marami kang makikilala. Maliban sa mas makikilala mo ang sarili mo dahil sa sandamakmak mong existential questions, mapipilitan ka ring makisalamuha sa ibang tao dahil kakailanganin mo ang tulong nila. Magtatanong ka kung saan ang pinakamalapit na tindahan, kung paano pumunta sa ganitong lugar, kung may malapit bang CR o ATM, atbp.

Maku-curious ka rin sa mga bago mong makikita at mararanasan kaya magtatanong ka sa ibang turista o sa mga tagaroon sa lugar na pinuntahan mo para ma-satisfy ang iyong curiosity. May mga tao ring makikipagkuwentuhan sa ‘yo kapag napansin nilang mag-isa ka o hindi ka tagaroon. Higit sa lahat, kailangan mong magpa-picture.

3. Huwag kang clingy. Marami kasi sa mga makikilala mo, doon mo lang makakasama. Baka naman mag-fall ka kaagad e alam mo namang maghihiwalay rin kayo. ‘Wag kang tanga. Kahit gaano pa kayo kasaya noong panahong magkasama kayo, hanggang doon lang ‘yon. ‘Wag kang mag-invest masyado ng emosyon dahil iiwan ka rin n’ya/iiwan mo rin s’ya.

Fine, may Facebook, Instagram, etc., pero sa umpisa lang kayo magkaka-tag o like. Give it a few months at matitigil na ang pag-keep in touch n’yo sa isa’t isa. Kaya hinay-hinay lang sa nararamdaman mo. Just enjoy the moment.

4. Dapat handa ka sa sorpresa. Tulad na lang noong magpa-deplane ako sa Batanes dahil sobrang lakas ng hangin at kailangang mag-unload ng pasahero at bagahe ang PAL. Dahil nag-volunteer akong magpatanggal sa flight, binigyan nila ako ng libreng accomodation sa hotel at complimentary roundtrip tickets to anywhere sa Pinas (na ginamit ko papuntang Zamboanga at Tawi-Tawi).

Tulad na lang din nang pumunta ako sa Legazpi City, Albay. Alam kong makikita ko ang Mayon Volcano, pero di ko inasahang sobrang laki at sobrang ganda pala n’ya. Napanganga talaga ako sa gulat at pagkamangha. Hindi ko rin inakalang swerte pala ako dahil hindi sa lahat ng oras o araw ay nagpapakita ang kabuuan ng bulkan. Be open to wonder and amazement.

5. Mag-recharge. Hindi lang ng gadgets na dala mo. Huwag mo kalimutan kung bakit ka nag-travel nang solo. Soul-searching ba? Trabaho? Celebration? Kahit ano pa ‘yan, sulitin mo. Ito ang pagkakataon mo para makapag-isip, para malayo sa boring o masaklap mong buhay, para makaranas ng bago o kakaiba.

In other words, this is you recharging your soul. Hindi lahat ng tao ay may kakayahang bumiyahe kahit pa sangkatutak na ang promo fare sa mga eroplano ngayon. Maswerte ka pa rin dahil may pera, panahon at pagkakataon kang bumiyahe. ‘Wag mong sayangin. Sulitin. I-full charge ang kaluluwa, okay?

Sana may napulot ka kahit kaunti. Hindi naman ako bihasa talaga sa paglalakbay nang mag-isa. May kaunting karanasan lang. May mga kilala at kaibigan akong mas matinding magbiyahe kumpara sa akin. All over the world pa! Hindi ko pa kaya ‘yon sa ngayon. At ayoko rin namang gawin. Gusto ko may kasama na.

Nakakalungkot din kasing magbiyahe nang mag-isa paminsan-minsan. You know, parang pag-ibig, masaya minsan, masakit minsan. But it’s worth it.

 

Advertisements