K lang

by Sankage Steno

Sabi ni Speaker Pantaleon Alvarez, wala raw moral ascendancy ang mga obispo na manghusga kung ano ang tama o mali dahil mga makasalanan daw sila. Tama naman. We’re all sinners. Isa pa, di naman sila judge para manghusga, at di naman tayo libro. Toinks. Corny shet.

To be exact, eto ang sabi n’ya:

Sinners [that] they are, the Catholic Church has no moral ascendancy to judge what is right and wrong. They are simply a bunch of shameless hypocrites.

Kung susundin natin ang logic ng kagalang-galang na mambabatas, masasabing wala ring moral ascendancy ang mga kongresista natin para gumawa ng batas dahil sila mismo ay kurakot at lumalabag sa batas. Ang kapal naman ng mukha kung papaswelduhin natin sila samantalang wala naman silang naipapasang batas minsan, bukod pa sa katotohanang mga pasaway sila.

Kung ia-apply naman natin ‘to sa ating kapulisan, wala rin silang moral ascendancy na manghuli ng kriminal dahil sila mismo ay mamamatay-tao, magnanakaw, mangingidnap o, in short, kriminal. Ang kapal naman ng mukha kung benteng push up at pagkuha lang ng water lily ang parusa sa kanilang krimen habang ang mga mahihirap na Pilipino e patay agad.

Kung gagamitin naman natin ang argument na ‘to sa ating pangulo, masasabing wala ring moral ascendancy si Duterte dahil hindi n’ya ginagalang ang Konstitusyon natin na sinumpaan pa man din n’yang susundin at ipatutupad. Ang kapal naman ng mukha kung tatawagin kang “Attorney” o “Mr. President” tapos numero uno kang tagasuway sa Konstitusyon.

Pero teka, ano ba yung “moral ascendancy” na ‘yan? Big words.

Well, para sa iyong kaalaman, ang moral ascendancy sa ating wika ay “K.” As in K lang. Kapag sinabing wala kang moral ascendancy sa ganitong bagay, ibig sabihin, wala kang K. Gets mo na? K.

Ngayon, kung ia-apply sa ating lahat ang sinabi ni Alvarez, wala rin tayong K na manghusga dahil lahat tayo ay makasalanan at hindi perpekto. Naglolokohan lang tayo dahil ang totoo, wala ni isang tao sa mundo ang may K. Kahit pa si Pope Francis. Tigilan na natin ‘tong kahibangan natin. Wala. Tayong. K.

Magsayaw na lang tayo.

Advertisements