Palimos ng pagtulog

by Sankage Steno

Iyon lang naman ang reklamo ko ngayon. Kulang na kulang ako sa tulog. Halos tatlong oras lang ang tulog ko araw-araw simula last week. Sobrang busy kasi sa trabaho at sa paglalakwatsa. Hindi naman ako nagrereklamo. Sa katunayan, gusto ko nga yung ganitong kabusyhan. Sana lang hindi bumigay yung katawan ko.

Ganun kasi ang nangyari sa ‘kin last month. Sobrang kulang-kulang din ako sa tulog kaya bumagsak yung resistensya ko at dinapuan ng kung anu-anong ka-echosan sa katawan. Nilagnat ako, nagka-diarrhea at nung gumaling, napalitan naman ng ubo. Ngayon-ngayon pa nga lang ako nakaka-recover sa ubo ko, at baka masundan na naman ng bagong sakit.

‘Wag naman sana.

Hirap kasi akong makatulog sa biyahe. Kapag nasa bus, sobrang sensitive ng katawan ko sa paliko-liko at mga lubak na daan. Nasisilaw din ako sa mga nakakasalubong na sasakyan kahit nakapikit ako. Kapag sa eroplano naman, kinakabahan ako kapag nagkaka-turbulence, so alerto bente-kwatro din yung utak ko. Kapag sa barko naman, naiirita ako sa pagewang-gewang.

Katulad kanina, ang aga ko ulit gumising dahil maaga yung flight ko pa-Singapore. Syempre mulat ako buong biyahe kahit puyat ako. E kakagaling ko lang nga sa Bangkok, di ba? Tapos kahit nung connecting flight ko sa Myanmar, gising pa rin ako. Kapagod lang. Sinubukan ko namang matulog, pero hindi talaga magtuluy-tuloy yung antok ko. Siguro may diperensya na ‘ko sa utak o sa mga kemikal sa katawan.

Ang weird, ‘no? Ang hilig kong bumiyahe pero hindi sanay yung katawan ko sa tulugan habang naglalakbay. You really can’t have it all.

Kaya ngayon, matutulog na ‘ko sa maganda kong kwarto sa hotel. Naks. Huy, hindi ko pera ‘to. Sagot ng kumpanya lahat ng gastos ko rito. Hindi ko kayang bumiyahe sa ibang bansa tapos sa mamahaling hotel pa ‘ko tutuloy. Sana mahimbing na ‘ko ng tulog. Sana lumagpas naman sa six hours.

Ay, wait… Takte lang. Sumagot na yung ka-chat ko sa Grindr. Shet naman, o. Wala na namang tulugan ‘to. Hihi.

Advertisements