Train of Thought

by Sankage Steno

Litrato ni Steno Padilla.

Habang nililibot ko ang Yangon sakay ng dugyot nilang tren at kasama ang mga balahurang Burmese (katulad din ng maraming Pinoy) pero sobrang friendly at mababait (katulad din ng maraming Pinoy), napaisip ako nang malalim. Ganito talaga ang nagagawa ng pagta-travel sa akin, lalo pa’t mag-isa lang ako sa biyaheng ito. Ang pinakatumatak na existential question sa akin noong tanghaling iyon ay ito:

Paano kung tumanda akong ganito?

Ang ibig kong sabihin, pa’no kung tumanda akong mag-isa pa rin, walang kasama sa mga biyahe at puro trabaho lang ang ginagawa hanggang sa mamatay ako? Magiging masaya ba ‘ko? Mas magiging malungkot ba ‘ko? Lagi ko na lang bang lilibangin ang sarili hanggang sa dumating yung panahong tapos na ang oras ko sa mundo?

Litrato ni Steno Padilla.

Sinagot ko rin naman yung sarili kong tanong dahil tatlong oras akong nakakulong sa tren at hindi ko alam kung saan s’ya hihinto o kung mali ba yung nasakyan ko at makarating ako sa probinsya ng Myanmar kung saan off-limits sa mga foreigners. Ang sabi ko sa sarili ko, “Bahala na.”

Pero di ‘yon ang sinagot ko sa aking existential question. Habang pinagmamasdan ko yung tanawin sa bintana ng tren at habang inoobserbahan ako ng mga katabi kong Burmese, naisip kong hindi naman masama. Hindi talaga. Hindi ako ubod nang saya noong mga panahong iyon, pero hindi rin naman ako miserable at lulong sa sariling kalungkutan.

Ayos lang ako.

Litrato ni Steno Padilla.

At kung tatanda ako nang ganito, hindi na nga masama. Ang sunod kong tanong, matatanggap ko ba? Sa tingin ko e matatanggap ko naman. Kung kailan, yun ang hindi ko pa alam. Bata pa naman kasi ako, relatively. Wala pa ‘kong trenta anyos, although malapit na ‘kong pumatak sa edad na ‘yon. Siguro kapag mas dumami pa yung karanasan ko at kapag mas marami pang lalake ang dumaan sa buhay ko, saka ko mahahanap ang sagot.

E pa’no kung tumanda akong mag-isa pa rin, walang trabaho, walang kakayahang maglakbay, baldado o walang silbi sa buhay?

Ang sagot ko ay ewan. Hindi ko pa alam ang gagawin ko. Basta sa ngayon, nagpapasalamat ako dahil buhay ako, may silbi, nakakapagtrabaho, nakakapaglibot sa kung saan-saan at nakakatikim ng iba’t ibang lalake… este.. putahe pala. Pasensya na. Nadiskaril yung train of thought ko bigla.

Litrato ni Steno Padilla.

Advertisements