EDSA pa rin, mga ulol!

by Sankage Steno

Kung nakakapag-cosplay ka ngayon ng kahit na sinong paborito mong anime character, dahil ‘yan sa EDSA People Power Revolution. Noong panahon ng martial law, bawal ang mararahas na palabas o cartoon tulad ng Voltes V at Daimos. In short, bawal ang karamihan sa mga anime kaya wala kang mapapanood na Eugene, Naruto, Luffy o Ichigo sa TV. Wala kang maiidolong fictional character. Walang cosplay.

Kung nakakapagtrabaho ka sa BPO ng graveyard shift; kung nakakagala at nakaka-party ka sa The Fort, sa Ermita, sa Morato, sa Libis o sa Makati Ave.; kung nakakapanood ka ng last full show sa sinehan; kung nakikipag-eyeball ka sa mga match mo sa Tinder o Grindr ng disoras ng gabi; at kung nakakasakay ka ng eroplano nang gabi o madaling-araw, dahil ‘yan sa EDSA. Noong panahon ng martial law, may curfew. Bawal lumabas ng bahay kapag gabi na o madaling-araw.

Kung nakakapagbasa ka ng balita sa Rappler, Inquirer, Star, Bulletin, Interaksyon, NY Times at BuzzFeed; kung nakakanood ka ng mga ulat sa ABS-CBN, GMA, TV 5 at CNN; at kung nakakapakinig ka sa iba’t ibang AM stations sa radyo tulad ng DZMM, DZBB at DZRH, dahil ‘yan sa EDSA. Noong panahon ng martial law, puro government-owned media lang ang meron. Kung may iba mang nakakapagbalita, puro positibo lang laman at walang ulat tungkol sa korapsyon, krimen o kahit ano pang masasamang impormasyon tungkol sa bansa at sa gobyerno.

Kung nakakaya n’yong sabihan ng abnoy si Noynoy, gaga si De Lima, adik si Duterte, bobo si Mar, lugaw queen si Leni, magnanakaw si Gloria, matandang hukluban si Enrile, at korap sina Estrada at Revilla, dahil ‘yan sa EDSA. Noong panahon ng martial law, bawal tuligsain ang mga nasa kapangyarihan. Hindi ka pwedeng magsabi ng masama sa mga pulitiko natin. Kundi, kulong, torture o katay ang aabutin mo.

Kung nababasa mo ‘tong sinulat ko, kung nakakapag-Facebook ka, kung nakakapag-tweet ka, kung nakakapag-post ka sa Instagram, kung nakakagawa ka ng fake accounts, kung nakaka-like ka ng kahit ano sa social media, kung nakakapag-comment ka anonymously, kung nakakapagsabi ka ng kabobohan o katalinuhan online, at kung malaya mong naipapahayag ang kahit anong tumatakbo sa isip mo, dahil ‘yan sa EDSA. Noong panahon ng martial law, limitadong-limitado ang pwedeng sabihin ng mga Pilipino. Siil ang kalayaan sa pamamahayag at pagsasalita.

Kung sa tingin mo e walang kwenta ang EDSA, kung sa tingin mo e hindi mahalaga ang diwa ng EDSA at kung hindi ka naniniwalang may mabuting naidulot ang EDSA sa Pilipinas at sa ibang bansa sa mundo, kita tayo. Ililibre kita ng kape. Sagot ko na.

Advertisements