Spiritual renewal

by Sankage Steno

Dalawang beses na ‘kong nagka-Road to Damascus moment sa buhay ko. Una e noong college student ako at naka-attend ng isang retreat na pangmahirap. Pangalawa e noong nagtatrabaho na ako at mas naintindihan ko ang kalakaran ng mundo.

Unlike sa “conversion” o sa “spiritual renewal” ni Pacquiao na mula sa pagiging sugarol at babaerong makasalanan e naging self-righteous at bulag na tagasunod ng kanyang bibliya, ang pagbabagong nangyari sa ‘kin e from religious to even more religious then to being a humanist/agnostic bordering on atheist. Kung pagkukumparahin, hindi magkabaligtad ang renewal namin. Magkaiba ng landas.

Wag mo na ‘kong tanungin kung alin ang mas mabuti, kung yung pagbabago ni Pacquiao o yung pagbabago ko. Syempre kasi, ang isasagot ko e yung pagbabago ko. Kumpara kasi sa ating boksingerong senador, hindi ako nanghuhusga ng tao base sa kung ano ang sinabi sa ‘kin ng pastor ko na sinabi raw sa nabasa n’ya sa bibliya. Nanghuhusga ako ng tao base sa kanyang salita, gawa at hitsura.

Syempre, kung matututunan kong magbasa ng isip ng iba, idadagdag ko ‘yon sa mga kagamitan ko sa panghuhusga ng kapwa.

Ang isa pang kaibahan namin ni Pacman e yung librong ginagamit bilang sandigan ng aming kabanalan. Kung si Pacquiao ay may bible, ako naman e may library. Kung para sa boxing champ e iisa lang ang katotohanan at ito ay kung ano ang nakasaad sa banal na aklat, ang sa akin naman ay plurality of truths or fractional truth (imbento ko lang) na kinukuha ko sa kung saan-saang babasahin (banal man o hindi), maging sa sarili kong karanasan sa buhay.

Pagdating naman sa impluwensya, syempre lamang si Pacquiao. Maliban sa kanyang posisyon sa gobyerno at estado sa buhay, mas tanggap din ng maraming tao ang katotohanang bumubukal sa bibliya. Kahit pa sabihing iba-iba ang interpretasyon ng mga pastor, pari o kahit na sinong alagad ng diyos, lahat naman sila ay paniwalang-paniwala na nasa librong ito ang sagot sa mga katangungan natin sa buhay.

Ang impluwensya ko lang para ipahayag ang aking “spirituality” (for lack of a better term) e yung blog na ‘to (na hindi naman spiritual to begin with) at ang buhay ko, na iilang tao lang naman ang nakakasaksi. Kaya kahit pa naniniwala akong maraming maling sinasabi at ginagawa si Pacquiao dulot ng kanyang spiritual renewal, alam kong s’ya pa rin ang paniniwalaan ng maraming tao at ang uri ng pananampalataya n’ya ang mananaig.

Kasihan nawa tayo ng maykapal ang mukha.

Advertisements