What people said when I told them “Bakla ako”

by Sankage Steno

Una akong nag-out sa Mama ko dahil s’ya ang pinakamahalagang tao sa buhay ko. Tinawag ko s’ya sa kwarto ko isang gabi at sinabing bakla ako, sabay talukbong ng unan sa mukha.

Natawa muna s’ya bago n’ya sinabing, “Alam ko na naman noon pa.”

Syempre, competitive that I am, hindi ako nagpatalo kay Mama. Habang nakatakip pa rin ang unan sa mukha ko, sinabi ko sa kanya, “Alam ko namang alam mo na noon pa.”

Inakala kong magiging madali na ang mga susunod na pag-a-out ko dahil nasimulan ko na. Hindi pala. Kinakabahan pa rin ako. Kumakabog pa rin ang dibdib ko at umuurong pa rin ang tae ko sa pwet sa tuwing may pagsasabihan ako.

Sunod kong sinabihan ang bespren ko. Nag-text s’ya sa ‘kin. As usual, may double meaning yung message n’ya, na parang sinasabing, uy, type mo si ano (lalake), di ba? So, competitive that I am, hindi ako nagpatalo. Nireplyan ko s’ya ng “Oo, matagal ko nang alam na bakla ako. ‘Wag mo na ‘kong ibuking.”

Ang reply n’ya: “SHEEEEET! NILAGNAT AKO SA TEXT MO!”

Sumunod naman ang kapatid kong babae. S’ya ang may pinakamadramang sagot sa pag-a-out ko. Nang sinabi ko sa kanyang bakla ako, hindi s’ya agad sumagot. Umalis ako. Pumunta yata ako ng SM o lumuwas na para pumasok. Saka s’ya nag-text sa akin ng tunay n’yang saloobin.

Sabi n’ya, “Kuya, kahit ano ka pa, mahal pa rin kita. ‘Wag ka sanang magbabago.”

By ‘magbabago’, ang akala n’ya e magiging cross-dresser na ako at magpapakababae ng kilos at pananalita. Doon ko napatunayang kulang pa talaga ang kaalaman ng mga tao tungkol sa mga bakla at sa iba pang miyembro ng LGBT community. Buti nag-out ako.

Nakakatawa at nakakatuwa ang karamihan ng sinabi ng mga tao sa akin nang mag-out ako sa kanila. May mga kaibigan akong ang sinabi lang e “So what?” o kaya naman ay “E ano naman [kung bakla ka]?” Kaya sobrang saya ko dahil marami akong kaibigang marunong tumanggap at umunawa.

May isang tao lang na hindi ko kinaya ang sinabi sa akin. At s’ya rin ang una kong heartbreak. Ka-org ko s’ya sa UP. Mas bata s’ya sa akin ng tatlong taon. Pa-graduate na ako nang maging kasapi s’ya ng org namin. Hindi ko inakalang mahuhulog ang loob ko sa kanya.

Kahit nagtatrabaho na ‘ko, s’ya lang lagi ang laman ng utak ko. Kapag nasa bus ako, MRT o jeep, s’ya pa rin yung tumatakbo sa isip ko. Walang araw na hindi ko s’ya inisip. Hanggang sa dumating ang araw na hindi ko na kayang kimkimin ang nararamdaman ko.

Nakipagkita ako sa kanya sa Trinoma. Noong una, ayaw pa n’ya. Baka nakaramdam na aamin ako sa kanya. So pinilit ko talaga s’ya. Binalak ko pa ngang kidnapin s’ya sa dorm nila kung kinakailangan para lang mailabas ko na yung nararamdaman ko. Buti napapayag ko sa huli.

Nanood kami ng sine, The Last Airbender. Bago magsimula yung pelikula, doon na ‘ko umamin sa kanya. Huminga ako nang malalim at humarap sa kanya saka ko sinabing, “Me sasabihin ako. ‘Wag ka sanang mandidiri o magagalit sa ‘kin. Bakla ako and I really like you.”

Dead air.

After what felt like a lifetime, ngumiti s’ya at sinabi sa ‘king “Pare, pulis ako.”

Si Derek Ramsay pala talaga s’ya, nag-disguise lang kaya di ko nakilala. Napatayo ako bigla at tumakbo palabas ng sinehan. Sa pagmamadali ko, nabangga ko ang isang aleng may dalang mga kamatis. Nalaglag ang lahat ng kamatis sa sahig at natapakan ko. Buti na lang hindi ako nadulas.

Maswerte ako dahil nakatakas ako kay Derek. Balita ko, yung sumunod n’yang nilapitan, nahuli n’ya at naipakulong. Simula noon, kinikilala ko nang mabuti yung tao bago ako magsabi ng “Bakla ako.” Mahirap na. Baka makabangga na naman ako ng aleng may dalang kamatis. Sayang naman.

Litrato ni Steno Padilla.

 

Advertisements