Kay Efren tayo

by Sankage Steno

Guys, tandaan n’yo si Efren Morillo. Isa sa pinakamatapang na taong nabubuhay ngayon sa Pilipinas. Kaedad ko lang s’ya pero mas matindi ang pinagdaanan n’ya sa buhay kesa sa ‘kin. Isa s’yang tindero ng prutas sa Payatas, Quezon City. At survivor s’ya ng Oplan Tokhang.

Pa’no s’ya nakaligtas? Acting.

Nang barilin s’ya ng mga pulis at taniman ng ebidensya, nagkunwa-kunwarian s’yang patay. Ang husay. Ang swerte rin. Dahil nabuhay s’ya, nagawa n’yang mag-file ng kaso (murder, frustrated murder, robbery and planting of drugs and firearms) laban sa mga pulis na nantokhang sa kanya at sa mga kasama n’yang di pinalad makaligtas.

Kung tutuusin, mas matapang pa si Efren kina Leila De Lima, Arturo Lascañas at Edgar Matobato. Kapag kasi high profile ka gaya ng mga nabanggit ko, mas mahirap kang todasin ng mga kampon ni Duterte. Pero kung isang kutong-lupa ka lang na taga-Payatas, sobrang dali mong target. Pwedeng-pwede kang balikan ng mga pulis at tapusin yung hindi nila nagawang tapusin sa unang tokhang operation.

Pero matalino itong si Efren, pati yung mga taong tumutulong sa kanya.

Dahil sa reklamo niya sa korte, ginawaran si Efren ng writ of amparo bilang proteksyon. Sa writ na ito, bawal lumapit ang mga pulis sa bahay o pinagtatrabahuhang lugar n’ya. As in literal na kapag lumapit ang mga sangkot na pulis within a certain radius (a few kilometers), pwede silang hulihin.

Umiiral pa naman kahit papa’no ang hustisya sa ating bansa, at ang writ of amparo na ito ang unang counterattack ng mga tokhang victims sa di-makataong war on drugs ni Duterte at ng PNP. ‘Pag nagkataon, baka hindi lang si Efren ang mag-file ng kaso laban sa PNP. Kahit pa kay Duterte. Remember, naghahanda na rin ang Amnesty International para kasuhan ang pangulo ng crimes against humanity sa ICC.

I can hardly wait for the day na muling mananaig ang rule of law sa bansa. Sana dumami pa ang kasintapang ni Efren. Gamitan natin ng batas ang abogadong pangulo na pasimuno sa paglabag sa batas.

Advertisements