Mintis

by Sankage Steno

Paalam ang kailangan
ng mintis nating pag-ibig,
ituloy sa hiwalayan
at hindi sa pagniniig.

Patid na ang aking pisi,
puno mo na itong salop,
hindi na nga matatahi
ano mang ayos ng tiklop.

Kay bilis ng mga araw
ng ating pagmamahalan,
katulad ng bulalakaw
sa itim na kalangitan.

Kahit gaano kalaki
ang iiwanan mong sugat
walang ibang masasabi
kundi salamat, salamat.

Advertisements