Yayamanin pumorma, purita ang bulsa

by Sankage Steno

Isa ka ba sa libu-libong young professionals na ang ganda ng porma, signatured lahat ng suot, pati cellphone mamahalin (Apple o Samsung) pero lagi namang nagpapalibre sa mga kaibigan? Laging walang load? Lubog sa utang? At laging nagtitipid sa lunch o dinner kapag matagal pa ang sweldo?

Kung oo ang sagot mo, I’m sure nahihiya ka na sa sarili mo ngayon.

Naiintindihan ko naman yung konsepto ng “Mahirap na nga, pati ba naman hitsura mahirap pa rin?” Syempre gusto naman nating magmukhang maayos at kagalang-galang. Ang nakakatawa lang talaga e yung gumagastos nang malaki para magmukhang mayaman, tapos nagpapakagutom at nagpapakakupal sa pagpapalibre sa ibang kaibigan.

Don’t think na nagmamayabang ako. No. Dumadaan din ako sa kagipitan lalo na kapag may emergency sa bahay. Nagtitipid din ako. Nagtitiis ng gutom kapag may pagkakagastusang malaki. Ang kaibahan lang, hindi ako nangungutang o nagpapakapulubi para lang makabili ng mamahaling sapatos, damit o cellphone.

Ang dami ko kasing kilalang ganun. Akala mo kung sinong pinagpala sa mga pino-post sa Facebook o IG. Laging nagta-travel. Laging nasa uso yung phone. Ang gaganda ng sapatos. Tapos magpapalibre sa akin kapag nagkita kami. Tapos mangungutang sa akin kapag kinapos. Pahirapan naman sa paniningil. Ikaw pa mahihiyang magtanong kung may pambayad na s’ya.

Alam mo kasi, hindi naman kailangang maging magastos ang pagiging pogi/maganda o maporma. Tulad ko. Ang dami ko kayang damit na galing sa sale o sa ukay pero kapag nilabhan at sinuot ko na, tatanungin ako ng mga kaibigan ko kung ano tatak o sa’n ko nabili. Akala nila yayamanin ako. Diskarte lang ‘yan.

Sa bagay, di naman lahat ng tao mahusay dumiskarte. I get that. Pero kung alam mo namang di ka mahusay dumiskarte, ‘wag ka nang mag-feeling mayaman. Mabuhay ka na lang sa kung ano yung kaya ng sweldo mo. ‘Wag mong ipilit. Masakit. Tatanda kang walang savings, lubog pa sa utang. Saklap.

Higit sa lahat, di ka na nga makakautang ulit sa akin, magiging kaawa-awa at katawa-tawa ka pa sa paningin ko. Hahaha!

Advertisements