Office concert

by Sankage Steno

Naghahanda na ‘ko ng aking lineup para sa nalalapit kong concert dito sa office. Konting-konti na lang kasi at mapipilitan na ‘kong makigulo sa ingay nila rito. Naniniwala kasi ako sa kasabihang “If you can’t beat them, join them.”

Alam mo kasi, simula nang lumipat kami sa bagong opisina somewhere sa Makati City, nagbago rin ang sound system ko. Kung dati, nakikinig ako ng music para mag-relax. Ngayon, naghe-headset ako at nagpapatugtog ng kung anu-ano para ma-block out yung ingay ng mga kaopisina ko.

Marami kasi sa kanila, walang breeding. Panay ang dighay. Ang lakas makipag-usap sa phone. Naggugupit ng kuko sa desk nila. Ang hilig makipagtsismisan kahit oras ng trabaho. Kung makatawa, wagas. Samahan mo pa ng vacuum cleaner tuwing umaga at hapon. Gudlak talaga sa ‘yo kung writer/editor ka.

I like to think na I was trained for this. After all, journalism ang tinapos ko sa UP. So kahit nagbabarilan d’yan, makakagawa ako ng kwentong maipapasa ko sa editor at maipa-publish sa dyaryo at sa news website. Pero hindi naman araw-araw nagbabarilan. Dito sa office, araw-araw ang mga bunganga nilang parang M-16 sa ingay.

Bilang solusyon, naisip kong tapatan o higitan pa ang ingay nila. But with class. Ayoko namang basta na lang magsisisigaw o magwala rito. Wa poise. So ang balak ko, bigla na lang akong magbe-break in a song and dance number. Parang High School Musical o Glee, ganyan. Gagawin ko ‘yon habang busy sila sa pagtsitsismisan, paghalakhak at pag-utot sa bibig.

Limang kanta pa lang ang naiisip ko so far. Kapag tumodo ang ingay nila, bigla kong kakantahin ang Bohemian Rhapsody ng Queen. “MAMAAAAAA… OOOHHH!” Tapos, kapag nakuha ko na yung atensyon nila, sesegundahan ko ng Bakit Ako Mahihiya ni Didith Reyes. After no’n, kakantahin ko naman ang Come On In Out Of The Rain as popularized by Sheryn Regis.

By that time, siguro naman I have their full undivided attention. Baka pati yung pinaka-boss namin e nasa labas na ng office at ready to shut me up. Bago pa nila ako mapigilan, kakantahin ko yung And I Am Telling You I’m Not Going ni Jennifer Holliday. Tingnan lang natin kung kayanin nila yung version ko.

Finally, bago ako mag-walk out (kung magagalit sila) o bumalik sa pagtatrabaho na parang walang nangyari, aawitin ko ang Salamat ni Yeng Constantino. “Ang awiting ito’y para sa ‘yo at kung maubos ang tinig di magsisisi. Dahil iyong narinig mula sa labi ko… Salamat! Salamat!”

Litrato ni LyCah Lamasan Baylon.

Advertisements