Sinong pipigil sa authoritarian rule ng ating presidevil?

by Sankage Steno

Ilang beses nang sinabi ni Pangulong Duterte na balak n’yang ibalik ang martial law sa Pilipinas para masugpo ang krimen, katiwalian at iba pang suliranin sa bansa, kahit pa mismo siya ang dahilan ng maraming krimen, katiwalian at suliranin ngayon. Nakakatawa, ‘no? Buang talaga.

Dalawang institusyon sa bansa ang gagamitin ng pangulo para maisakatuparan ang pangarap niyang authoritarian rule: ang pulisya (PNP) at ang Kongreso (senate and lower house).

Pero hindi magiging madali ito para sa ating pambansang buang. Kahit hindi halata, marami pa rin sa atin ang hindi pabor sa martial law. Maraming Pilipino ang tutol sa kamay na bakal. Bukod dito, may tatlong institusyon tayong pinalakas ng ating kolektibong karanasan at pagkatuto sa nakaraan.

Nangunguna na rito ang media. Makapangyarihan ang media kaya sila ang isa sa mga inunang patumbahin o kontrolin ni Marcos noong panahon ng batas militar. Pero dahil din sa karanasang iyon, marami sa ating mga journalist, reporter at iba pang media workers ang handang ipaglaban ang ating demokrasya at kalayaan laban sa panibagong banta ng paniniil.

Kita mo, todo-atake ang mga trolls ni Duterte sa ating media. Pinapalabas nila na ang Inquirer, Rappler, Star, GMA, ABS-CBN, atbp. ay bayaran, walang kredibilidad at sinungaling kahit ang totoo, silang mga trolls naman talaga ang bayaran, walang kredibilidad at sinungaling.

Pangalawa, bukod sa media, nariyan din ang ating sandatahang lakas o AFP. Noong panahon ni Marcos, kabilang sila sa mga naging instrumento ng diktador para pahirapan ang maraming Pilipino. Pero naniniwala akong nagbago na ang maraming taong namumuno at kabilang sa institusyong ito.

Kita naman sa hindi nila pagtangkilik sa paanyaya ni Duterte na tumulong ang mga sundalo sa war on drugs. Marami rin sa kanila ang may “galit” sa pangulo dahil sa paghimod nito sa puwet ng China at halos pagbebenta ng teritoryo natin sa kaaway na bansa.

Kung gusto talaga ng ating pangulo na magdeklara ng martial law, kakailanganin niya ang buong suporta ng militar. Sa tingin ko, hindi n’ya ‘yon magagawa dahil na rin sa sarili niyang kagaguhan at katraydoran sa bayan.

Panghuli, nariyan ang Bangko Sentral ng Pilipinas. Noong panahon ni Marcos, lahat ng financial institutions sa bansa, kabilang na ang Central Bank, ay ginatasan niya. Nasira ang ekonomiya natin dahil sa laganap na korapsyon noong martial law. Dahil dito, kinailangang baguhin at ayusin ang bangko sentral sa kung ano ito ngayon.

Dahil sa nangyari noon, mas independent na ang BSP at mahirap na para sa kahit na sinong pangulo, o kahit na sinong pulitiko, ang kontrolin ito at muling gatasan para sa pansariling interes. Bukod sa mas pinalakas na polisiyang pampinansyal, hindi na rin basta-basta papayag ang pamunuan ng BSP na samantalahin sila, dahilan para muling bumagsak ang ating ekonomiya.

Itong tatlong institusyon na ito ang nakikita kong makapipigil sa tangkang pagbabalik ng batas militar ng ating pangulo. Syempre, maliban sa kanila, nariyan din dapat ang suporta at kahandaan ng mamamayan. Tayo. Dahil tayo ang pinakamahalagang “institusyon” ng bansang ito.

https://i0.wp.com/thestagnantfilipino.com/wp-content/uploads/2016/09/esquire-philippines-rodrigo-duterte.jpg

Advertisements