Menor de edad

by Sankage Steno

Nagpanotaryo ako kaninang hapon para sa ari-arian kong binili na worth P5 million. Charot! Para sa sinulat kong kwento. Nagulat lang ako nang sabihin sa ‘kin ng attorney, “Papirmahan mo ‘tong consent sa magulang mo, ha?” Ako naman, “???” Ta’s napansin n’ya siguro yung kunot kong noo kaya tinanong n’ya ako, “Menor de edad ka ba?”

Kung alam mo lang kung hanggang saan umabot yung ngiti ko. Clue: Mas malayo pa sa Baguio. Hahaha!

Alam mo, bes, magtetrenta na ‘ko sa isang linggo. Malapit na ‘kong mawala sa kalendaryo. Impak, wala na ‘ko sa buwan ng Pebrero. By 2019, sure nang walang buwan ang tatanggap sa edad ko. Di naman ako bothered masyado. Hindi pa naman kasi halata sa mukha ko ang edad ko. Di ko rin sure kung pati yung utak ko e akma na rin sa gulang ko.

Mas bothered ako sa makukuha kong sakit habang tumatanda. Alam mo kasi, bes, maagang namatay yung Papa ko. Alam mo kung ilang taon? 39. So in less than a decade, baka magdelikado na rin ako. Namamana kaya ang sakit. Ewan ko lang kung namamana rin yung bangungot. Pero base dun sa huli kong nabasa, common daw sa Southeast Asian men 20 to 40 years old yung Brugada Syndrome o bangungot.

Katakot, ‘no?

Eto pang matindi, walang bisyo ang Papa ko at mahilig s’yang kumain ng gulay. Paborito namin ang okra, repolyo at pechay. Jusko. Parehong-pareho kami ng hilig. Pati anime! Kaya malakas talaga ang kutob kong hindi na ‘ko aabot sa kwarenta. Jusmiyo! Pa’no na ang pangarap kong maging pangulo ng Pilipinas sa 2040?

Kaya kahit mukha pa ‘kong bata, hindi ako nagpapakakampante. Nilulubos ko na ang paghahanda. Kasabay ng paninigarilyo, nag-e-exercise din ako araw-araw para malito si Kamatayan kung kelan talaga ako mamamatay. Imagine, nababawasan yung araw ko tuwing nagyoyosi, pero nadadagdagan kapag nag-eehersisyo ako. For sure sabaw na sa ‘kin si Kamatayan. Lol!

Higit sa lahat, sinusulit ko ang bawat araw na parang yun na ang huli kong araw sa mundo. In fairness, mahirap maging consistent. May mga araw kasi na ayokong mabuhay. Meron namang gustung-gusto. Pero more often than not, ginagalingan ko lagi. Ganun ako e, magaling talaga. Hahaha! Kaya ikaw dapat lagi mo ring ginagalingan para umuwi na silang lahat… pati si Kamatayan.

No automatic alt text available.

Advertisements