Ang hirap magkabahay

by Sankage Steno

Hoy, ‘wag ka namang magalit sa mga miyembro ng Kadamay dahil “ninakaw” nila yung nakatiwangwang na pabahay ng gobyerno para sa mga sundalo. Naiintindihan kita. Alam ko ang pakiramdam na parang dinaya ka dahil sila nagkabahay agad ng ganun-ganun lang habang ikaw e kayod-kalabaw pero wala pa ring sariling bahay.

Ako nga e, ilang taon nang nag-iipon para sa pinapangarap kong bahay at lupa sa tabing-dagat. Pero hanggang ngayon kulang pa yung pera ko, kahit yung pang-downpayment man lang sa lupa. Pa’no pa yung sa bahay at mga kagamitan no’n, di ba? Napakahirap magkabahay sa Pilipinas!

Tingnan mo na lang yung mga nagsusulputang condominium sa Metro Manila. Lagi akong hinaharang ng mga sales agent nila. Umay! Di ko lang masabi na, “Jusko! Gusto mo ‘kong magbayad ng P6 million para sa kwartong malaki lang nang kaunti sa pampasaherong jeep? Ulol ka ba?”

Mahirap! Pero ‘wag kang magpadala sa inggit mo.

Hindi ka dapat mainggit sa mga urban poor members ng Kadamay dahil di mo alam kung ano ang hirap na pinagdaanan nila. Kung pa’nong maging mahirap. Isang kahig, isang tuka. Mali ‘yang pinaglalaanan mo ng galit. Hindi sila ang kaaway. At hindi rin ang sarili mo. Alam kong naiinis ka na dahil kahit anong trabaho ang gawin mo, di ka pa rin makaipon.

Ang dapat mong awayin at kagalitan ay ang gobyerno, ang mga pulitiko natin. Sila ang nagpapahirap sa atin kaya di tayo makaangat-angat sa buhay. Basic needs lang, di pa nila maibigay sa mamamayan. E pa’no nga, sa halip na gamitin yung pondo ng pamahalaan para mabawasan ang kahirapan sa bansa, binubulsa nila. Kinukurakot.

Sa halip na murahin mo ang Kadamay, murahin mo ang gobyerno na hindi magawa-gawang mapamura ang presyo ng pagpapatayo ng sariling bahay. Pahirapan din sa pag-utang. Ang laki pa ng interes. Dapat singilin natin yung gobyerno na ninanakawan tayo ng pera at pagkakataon na makamit yung pinapangarap nating bahay.

Sa halip na kainggitan mo ang Kadamay, dapat nga gayahin pa natin sila. Sugurin natin ang gobyerno at singilin. Pilitin natin silang bigyan tayo ng pabahay o kahit man lang gawing madali para sa atin ang makabili o makapagpagawa ng sariling bahay. Ganern!

‘Wag nating awayin ang mahihirap. Kampihan pa natin sila. Ang mga “mayayaman” sa lipunan at sa gobyerno ang tunay na kalaban! Lalo silang nagpapayaman habang tayo, stuck sa kahirapan o lalo pang naghihirap. It’s so unfair!

O, kanino ka na galit ngayon? Sa akin? Kasi tama na naman ako? Lol.

Advertisements