Di kasi nagdo-DOTA si Gina

by Sankage Steno

Ang powerful po ng Commission on Appointments. Ewan ko lang sa ‘yo pero natuwa ako sa balitang ni-reject ng CA ang appointment ni Gina Lopez bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources. Natuwa rin ako nang nauna nilang i-reject si Perfecto Yasay bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs.

Good job!

Pero feeling ko posibleng makapasa si Gina e kung di lang s’ya agre (read: aggressive). Kumbaga sa DOTA, dapat nagpataba muna s’ya bago n’ya inatake yung mga kalaban o bago s’ya nag-push ng creeps. Dapat nag-jungling muna s’ya bilang mahilig naman s’ya sa puno at halaman, ganern.

Kung hindi n’ya agad sinuspinde o tinanggalan ng permit yung mga mining companies, baka hindi lalakas nang ganito yung pagkontra sa kanya ng mga tao. Baka talaga pinayagan s’ya ng CA na maupo bilang DENR secretary. E kaso agre nga, so, ayun, sorry na lang.

Sana hinintay muna n’yang i-confirm s’ya ng CA bago s’ya nagpaka-beast mode sa pagpatay sa mining industry ng ating bansa. Oh well, buti na rin siguro ‘yon. Ang laki kaya ng kontribusyon ng mining sa ating ekonomiya. Bukod sa trabahong binibigay nito, nakakatulong din s’ya sa pagbuo ng mga teknolohiyang ginagamit natin. May responsible mining po tayong tinatawag.

Yun kasi ang di naiintindihan masyado ni Gina. Para sa kanya, mining = evil.

Buti nga. ‘Yan ang napapala ng mga bobo. Oops. Sana inisip muna n’ya yung magara n’yang bahay, mamahaling kotse, mga alahas at gadgets bago n’ya pinaniwala ang sariling puro kasamaan lang ang dulot ng pagmimina.

Pero hindi pa naman katapusan ng mundo para kay Gina. Sa tingin ko, mas magiging mabuti s’yang tagapagtanggol ng kalikasan sa labas ng DENR. Ituloy na lang n’ya yung ginagawa n’ya noon pa: yung paglilinis ng estero, yung paglilinis ng Ilog Pasig, yung pagtulong sa mga nasa probinsya at sa mga katutubo, atbp. Kaya naman n’yang gawin ‘yon kahit wala s’ya sa DENR.

Sana lang yung ia-appoint ni Digong sa bakanteng posisyon e hindi kurakot o tuta ng mga mining companies. Syempre kailangan pa ring bantayan yung mga ‘to dahil marami sa kanila e iresponsable, abusado at ganid. Sana may sapat ding kaalaman yung ipapalit ng pangulo kay Gina. At isa pa, sana sanay s’yang mag-DOTA.

Advertisements