Andali mong masaktan

by Sankage Steno

Isa sa pinakaayaw kong ugali ng mga Pinoy, maliban sa pagtanaw ng utang na loob, ay ang pagiging overly sensitive natin. Yung tipong, kapag pinuna mo s’ya o itinama ang mali, maiinis agad. Masasaktan ang damdamin. Mapipikon. Magiging cold ang treatment sa iyo. Taena lang, di ba?

Kaya nagpapasalamat ako sa mga naging editor ko sa Inquirer at sa dati kong boss dahil, kahit papa’no, nabawasan yung pagiging sensitive ko sa criticism, esp. constructive ones, at sa mga pagpuna sa ‘kin ng ibang tao. Tadtarin ba naman ng correction yung gawa mo at pagalitan ka kapag may mali sa ipinasa mong gawa. Syempre, at some point, masasanay ka rin sa mga “maaanghang” na salita.

Nagpapasalamat din ako sa mga bashers at haters ko dahil kapag minumura o inaalipusta nila ako sa comment section, pinapataas nila ang pain tolerance at threshold ko sa negative feedback.

Ang problema, hindi naman lahat ng Pinoy e journalist o blogger. Hindi naman lahat e nakakatanggap ng kritisismo o pagpuna regularly. Hindi rin lahat pare-pareho ang pagtanggap sa feedback, particularly sa negative comments. Kaya andami pa rin sa ating pikon o madaling maasar kapag may pagtatalo o palitan ng kurokuro sa usapan.

Isa pa, problema rin na sanay na ‘ko sa negative feedback. Na sanay akong laging tinatama ng boss o editor o kung sino mang ka-level kong mag-isip. Nadadala ko kasi sa usapang pamilya o sa mga kaibigan. E karamihan sa kanila, hindi sanay sa straightforward comments o criticism. Marami sa kanila, hindi pa sanay sa pananalita ko kahit ang tagal na nila akong kilala.

Kita mo rin ang ugaling ‘to sa mga pulitiko natin, sa mga artista, sa mga public figure sa ‘ting bansa. Obvious na hindi sila sanay tumanggap ng pangit na puna. Pasimuno na d’yan si Katay Digong na galit sa media dahil puro negative daw ang binabalita sa kanya. E, hello? Kung puro negative talaga ang balita, anong magagawa n’ya?

Isa pa, nature na ng balita na maging negative. Sige nga, kung ikaw ang journalist, alin sa dalawa ang ibabalita mo: isang baby na ipinanganak o isang baby na namatay? O kahit ‘wag ka nang maging journalist, kahit regular tao na lang. Sige nga, alin sa dalawa ang ichichismis mo: ang kapitbahay mong nangangaliwa o ang kapitbahay mong tapat sa asawa?

Syempre yung negative!

Same thing sa comments at criticisms, madalas yung pangit ang sasabihin at pupunahin. Iyon ang itatama. Duh! Mahirap bang intindihin ‘yon? Ang dami na ngang mababa ang IQ sa atin, pati ba naman ang EQ? Try to evolve naman, please. Mahalaga ‘yon para di tayo ma-extinct agad as a species.

Advertisements