Alay ni Duterte sa mga Bagong Bayani

by Sankage Steno

Good news para sa mga overseas Filipino workers (OFWs)! Dahil malaki ang naging ambag ninyo sa pagkapanalo ni Pangulong Duterte, ikinakasa na ng mga kaalyado niya sa Kongreso ang dagdag na buwis para sa perang ipinapadala ninyo sa inyong mga mahal sa buhay.

Tama po! Kapag naging batas, magkakaroon na po ng tax ang pera padala o money remittances ninyo. Ang 12-percent value added tax o VAT ay ipapataw sa mga bangko, remittance centers at pera padala through text messages. Ibig sabihin, madadagdagan ang bayad ng mga OFW kapag nagpapadala sila ng pera dito sa Pilipinas.

Napakahusay, ano po?

Dahil po sa sipag at tiyaga ng ating mga OFW kaya po umaangat ang ating ekonomiya. Dahil din po sa kanila kaya nakakapag-aral ang maraming bata sa magagandang paaralan at unibersidad sa bansa. Sila rin po ang dahilan kung bakit maraming itinatayong condominiums sa Pilipinas. Ganyan po kalaki ang tulong na nagagawa ng perang ipinapadala ng mga OFW.

Kaya naman naisipan ni Duterte at ng mga kakampi niya sa Kongreso na patawan ito ng buwis. Ang laki nga naman ng perang nakukuha ng mga Pilipino sa remittances. Para sa ating pangulo at sa mga kaalyado niya, tama lamang na bawasan ito sa pamamagitan ng buwis. Dapat lang na makinabang ang gobyerno sa perang pinaghirapan ng mga OFW sa ibang bansa.

At saan nga ba napupunta ang buwis natin?

Ito po ang tugon ng mahal nating pangulo sa mga paghihirap nating mga Pilipino. Dahil hirap po silang makagawa ng trabaho sa loob ng bansa, minabuti po nilang taasan na lang ang buwis. Nakukulangan kasi sila sa income tax na nakukuha sa mga middle class. Ayaw kasi nilang singilin ang mga oligarch at mayayaman, kaya tayo na lang mahihirap, mga manggagawa at mga OFW ang magbabayad para sa kanila.

Napakahusay po talaga ni Duterte. Ang dagdag na buwis ay ang paraan niya para mapasalamatan ang mahigit 16 milyong Pilipinong bumoto sa kanya. Palakpakan po natin silang lahat.

Advertisements