Ang paniniwala sa fake news ay nakakaikli ng buhay

by Sankage Steno

Dahil sa confirmation bias kaya lumalaganap ang fake news. Ano ang confirmation bias? Ito yung paniniwala, paghahanap, pag-intindi at pag-alala sa mga impormasyong sang-ayon sa mga pinaniniwalaan natin sa buhay. Basta pabor sa atin ang isang bagay, iisipin na natin na totoo ‘yon. Sources be damned.

Kapag naman itinama mo yung mga nagpapalaganap o naniniwala sa fake news, aawayin ka nila o iba-block o hindi papansinin. Dahil naman iyan sa cognitive dissonance. Ano ang cognitive dissonance? Ito yung pagkabahala o yung pangit na pakiramdam na nararamdaman natin kapag may kumontra sa pinaniniwalaan natin.

Siguro dulot na rin ng evolution, natural sa taong sumama ang pakiramdam kapag yung matagal na niyang pinaniniwalaan sa buhay e kinontra mo. Ano pa kung sabihin mo sa kanyang mali s’ya? Syempre, kapag sinabihan kang mali ng ibang tao, ang reaksyon mo agad ay masaktan o mainis.

Kaya mahalaga ang fake news sa pagpapatibay ng mental health natin.

Hindi porke matalino ka o graduate sa isang reputable university ay masasabing may matino at matibay kang mentalidad. Marami akong kaklase, kakilala at kahit professor sa UP na nabiktima ng fake news. Yung iba, hindi lang nabiktima, talagang nagpapalaganap pa. Hindi ko lang alam kung sadya ‘yon o meron lang silang matinding cognitive dissonance na hindi malampasan.

Kung gusto mong maging mas kritikal at mahusay mag-isip, sanayin mo yung sarili mong alamin kung ang nabasa mo ba ay totoo o peke. Madali lang naman. Kapag may nabasa kang headline, ang una mong itatanong sa sarili mo ay “Totoo ba ‘yan?” Saka mo ngayon kukumpirmahin sa pamamagitan ng Google o pagtatanong sa iba.

Pabor man o hindi sa paniniwala mo, magduda ka palagi. Mahalaga ang pagdududa para humusay ka sa pag-iisip at sa pagsagap ng fake news. Kapag hindi ka nagdududa at pinaniniwalaan mo ang lahat ng nakikita mo sa internet, mahina kang mag-isip. Hindi ka bobo, pero hindi ka rin marunong mag-isip nang tama.

Kung magpapadala ka sa fake news, ibig sabihin, tamad kang mag-isip. Kapag tamad kang mag-isip, malamang mababa ang IQ mo. At kapag mababa ang IQ mo, malaki ang posibilidad na maaga kang mamamatay. Totoo ‘yan. Basahin mo ‘to.

Kung nagdududa ka sa sinabi ko, tama ang ginagawa mo. Keep it up.

Advertisements