Heartbreaker

by Sankage Steno

Humihingi po ako ng tawad sa mga taong nasaktan ko nang di sinasadya, sa mga palihim na nagkakagusto sa akin at di ko masuklian, at sa maraming babae at lalaking hindi maipahayag ang nararamdaman sa akin sa kadahilanang sila lang ang nakakaalam. Patawarin mo sana ako.

Hindi ko po sinasadyang maging pogi. Nagkataon lang po na noong pumayat ako noong college, natuklasan kong hindi pala masama ang hitsura ko. Pero to be fair, kahit naman noong mataba pa ako at pangit, never ko namang inisip na pangit ako. Mayabang na ‘ko kahit noong hindi pa ako ganito ka-hot.

Impak, ang tawag sa akin noong first year high school ay “Pogi.” And, no, hindi po sila barker o tindera sa palengke. Mga kaibigan, kaklase at guro ko po sila.

Hindi ko rin po sinasadyang maging matalino. Nagkataon lang na noong grade 1 ako, in-announce yung honor students at napasama ako. Hindi ko pa nga alam kung ano yung honor noon e. Ayun, saka ko lang nalaman na matalino ako. E ayoko namang sayangin kaya nagpaka-grade-conscious ako nang kaunti.

Impak, naging genius level pa ang IQ ko noong high school. Pero noon ‘yon. Ngayon, nasa above average o average na lang ang IQ ko. Pero matalino pa rin naman ako, in fairness to me.

Hindi ko rin talaga sinasadyang maging sikat. Nagkataon lang na noong matapos ko ang college, nabagot ako at naisipang mag-text sa Singing Bee audition. E nag-reply. Ayun, nakapasa ako sa screening and the rest is history. Bukod pa rito, di ko naman inakalang magte-trend yung mga sinusulat ko rito saka sa dyaryo. Malay ko bang may nagbabasa pa maliban sa ‘kin at sa mga teacher ko?

Muli, kung nahulog o nahuhulog ang loob mo sa akin nang hindi ko alam, at kung nahihirapan ka dahil sa lihim mong pagtingin sa akin, sana ay tanggapin mo ang taos-puso kong paghingi ng paumanhin. Hindi ko talaga sinasadyang maging “above average” na indibidwal. I’m just trying hard to be perfect, that’s all.

Pero salamat na rin sa iyong paghanga at pagtangkilik. Malay mo naman, balang araw, maging tayo rin sa huli. Sana mapasaya natin ang isa’t isa. ❤

Advertisements