Martial law pa more

by Sankage Steno

Alin sa dalawa ang totoo sa plano ni Pangulong Duterte na palawigin ang martial law hanggang ika-31 ng Disyembre 2017: (1) Hindi mabisa ang martial law para sugpuin ang Maute Group sa Marawi City o (2) may hidden agenda siya kaya niya balak gawin ito.

May pangatlo pa sana: Na tatanga-tanga ang mga sundalo natin dahil di nila natalo ang Maute sa loob ng 60 araw. After all, dalawang beses na nilang na-friendly fire ang mga sundalo natin gamit ang air strikes. Nakakaawa ang mga sundalo nating nasawi at ang mga pamilya nilang naulila.

Pwede rin namang all of the above. Totoo man ang isa o higit pa sa mga nabanggit ko, isang bagay lang ang pinapatunaya nito: Mali si Duterte.

Mali siya sa paniniwalang martial law sa buong Mindanao ang sagot para masugpo ang mga kalaban ng pamahalaan. Mali siya sa pag-aakalang martial law ang kailangan para maging mapayapa ang Marawi City. Mali siya sa paggamit ng martial law para ayusin ang mga problema sa Mindanao.

E ano naman ba kasi ang aasahan mo sa pangulong ito?

Kahit sabihin pang sang-ayon ang Korte Suprema sa pagpapatupad ng martial law sa Mindanao at kahit pa alam naman nating nasa kapangyarihan ng pangulo ang pagdedeklara nito sa mga lugar na may invasion o rebellion, hindi nangangahulugang ito na ang sagot sa ating problema.

Ang hirap kasi sa pangulo, tamad mag-isip. Kung di man tamad, maling mag-isip. Para sa kanya, sagot ang martial law o ang karahasan sa lahat ng suliranin ng bansa. Kapag may gulo, obosen! Kapag may pumuna sa kanya, obosen! Kahit anong pagkakataon, obosen! Pinaglihi yata sa kalawit ni Kamatayan itong presidente ninyo.

Anu’t ano pa man, malakas ang paniniwala kong madaling mapapasunod ni Duterte ang Kongreso para palawigin ang martial law sa Mindanao. Hindi na rin ako magugulat kung pagkatapos ng taon ay i-extend ulit ito o lawakan pa ang sakop. Di ba nga, martial law ang sagot sa lahat ng problema natin?

Kung martial law nga ang natatanging solusyon sa mga suliranin natin, di malayong ito rin ang magpabagsak sa pangulo ninyo dahil siya ang pinakamalaking perwisyo sa bansa ngayon.

Advertisements