Perstaym sumubok

by Sankage Steno

Sa tinagal-tagal ko nang nakatira dito sa Maynila, kahapon lang ako nakasakay ng PNR. Mas nauna ko pang subukang sakyan yung karag-karag na tren sa Yangon kaysa yung karag-karag na tren natin dito. Oh well, ang una kong masasabi ay: Mas karag-karag yung tren sa Myanmar.

Di ko alam kung sinong bansa ang nagbigay ng tren na yun sa Myanmar. Feeling ko Japan din e, pero mas matino o mas maganda yung pinamigay nila sa ‘tin. Yung sa Yangon kasi, para kang nakasakay sa bangka, grabe ang paggewang. Kung malululain ka, baka masuka ka roon. Yung sa atin naman, di masyado. Mas magewang lang nang kaunti sa MRT.

Bukod sa paggewang, mas malamig din yung PNR, de-aircon. Yung sa Myanmar kasi, wala. Sobrang init. Tanghaling tapat pa man din ako sumakay. Buti na lang mahangin noon at bago sa mata ko yung mga tanawin kaya hindi ko masyadong inintindi yung init.

Speaking of tanawin, ang pangit ng view sa PNR. Galing akong Buendia Station hanggang Tutuban at puro barung-barong o depressed community yung dinaanan. May gano’n din naman sa Yangon, pero mas marami yung sa atin at mas masikip. At least kasi sa Myanmar, may madadaanang wide spaces at malilinis na lugar. Yung sa atin, sobrang sikip na nga, sobrang dumi pa.

Sabi ko nga sa kasama ko kahapon, kung taga-ibang bansa ka o taga-probinsya at nasanay ka sa malinis o malalawak na lugar, kasusuklaman mo ang Maynila. Pero ‘pag naman tumagal at nasanay ka na, kahit anong pangit pa ng Maynila, magugustuhan mo s’ya at mamahalin kahit papa’no.

So, ayun, mas na-appreciate ko ang napakapangit nating kabisera dahil sa pagsakay ko ng PNR. Grabe, nakakahiya talagang kahapon ko lang s’ya nasubukan. I’m so sorry. Dapat kasi noon ko pa s’ya sasakyan papuntang Bicol. E nasira dahil sa bagyo. Ayun, di na natuloy.

Buti naisipan kong mag-Divisoria kahapon at buti sinuggest ng kasama kong mag-PNR na lang kaysa LRT. Nakatikim tuloy ako ng bago. Hihi. Iba talaga ang sarap kapag perstaym.

Advertisements