Sa piling ng mga Bul-Bul

by Sankage Steno

Akala ko e mabeberigud na ‘ko kanina dahil nagkusa akong maglinis ng bahay. Ang boring kasi ng long weekend. Ayoko namang mag-travel dahil napuntahan ko na halos lahat ng gusto kong puntahan sa bansa. E kaso, nung patapos na ‘ko sa paglalampaso ng sahig, biglang nag-text itong si Mama.

“Linisin mo yung kalat sa may kamias.”

“You’re welcome,” sabi ko sa sarili. Kampante naman akong madaling linisin yung kalat sa labas, du’n nga sa ilalim ng punong kamias. But no! Pagtingin ko, nanggigitata sa dumi yung pinaghalong tuyong dahon, putik, mga plastik, rubber shoes, tubig galing sa imburnal at kung ano-ano pang organisms na hindi ko napag-aralan sa Biology.

Que horror!

Pero tinanggap ko ang challenge. Hindi kasi ako umuurong sa mga ganyang maliliit na pagsubok. Ang ginawa ko, hinanap ko yung pala namin sa bakuran. Ang problema, sira na ‘sya, so nanghiram pa ‘ko sa kapitbahay namin. Nang dumating yung pala, naihanda ko na yung mga sakong paglalagyan ng dumi.

Putaragis lang talaga yung mga kalat na dinatnan ko. Imagine yung imburnal na maitim yung tubig, samahan mo ng burak, ng putik, ng lupa at mga basurang plastik, tapos may mga basag pang bote. Putangama talaga. Kadiri! Panay ang sabi ko ng “YAAAAK!” with my guttural voice…

“YAAAAK!”

Lalo pa ‘kong nandiri nang makakita ng isang community ng mga bulate. Potek talaga. Ay kenat! Pero dahil madumi na rin naman yung mga kamay ko, nilunok ko na yung pride ko (hindi yung bulate, taena) at kinamay sila. Well, hindi naman lahat. Kapag kasi pinala ko yung mga bulate, baka maputol at mamatay. So pinulot ko yung iba at inilipat sa lupa doon sa may kamias.

Habang tumatagal, dumarami yung nakikita kong bulate. Hindi lang pala community yung nabuo nila sa malaimpiyernong dumi sa labas namin. Isang probinsya na pala. Bulacan, ganyan. Kaya tinawag ko silang ‘Bulakenyong Bulate.”

Bul-Bul for short.

Paglaon, natuwa na rin ako sa kanila dahil grade school pa yata ako nung huling maglaro ng mga bulate. Dati sobrang sama ko pa kasi binubuhusan ko sila ng asin para mangisay. Pero ngayon hindi na. Impak, pinangalanan ko pa yung iba sa kanila.

Yung makintab na bulate, tinawag kong ‘Batnik’, tapos yung mataba naman e ‘Bonjing’. Yung maliit at maiksi, pinangalanan kong ‘Bata’, tapos yung pinakamahabang nakuha ko e tinawag kong ‘Burnik’. Nakakatuwa silang panoorin habang gumagapang at bumubutas sa malambot, marumi at nangingitim na lupa.

Pasulyap-sulyap ako sa mga bulate habang patuloy na kinokolekta yung mga nakakadiring kalat sa ilalim ng punong kamias. Nangingiti ako kapag nakikita kong masayang-masaya sila sa bago nilang tirahan. Kahit papa’no e nabawasan yung pagod at yung pandidiri ko sa ginagawa.

Pagkatapos maglinis, naghugas ako saglit ng kamay at saka nag-alcohol. Tapos, binalikan ko yung mga kaibigan kong Bul-Bul. Hindi ko na sila dinatnan pa. Nakita ko na lang yung alaga naming manok na nagbubungkal ng lupa at may subo-subong mahaba at mamink-mink na bagay.

Advertisements