Gabi-gabi na lang sa pagtulog

by Sankage Steno

Alam ko namang maswerte ako dahil di ako nabuhay sa panahon o bansang may war, famine, epidemic o extreme poverty. Maswerte ako dahil, kahit malabo ang mata ko, kumpleto ang mga parte ng aking katawan. At maswerte ako dahil, kahit di pa lubos na tanggap ang kabaklaan sa mundo, nakuha kong tanggapin iyon nang buong-buo sa aking sarili kahit pa inabot ako ng dalawang dekada bago magawa iyon.

Hindi naman kasi madaling gawin ‘yon, in fairness. Mas gugustuhin ko pang gumawa ng thesis nang paulit-ulit kesa pagdaanan na naman yung mga pinagdaanan ko noong kabataan ko, lalo na yung mga gabing nagbibinata ako.

Minor lang yung mga pang-aasar sa ‘kin ng kapatid, kamag-anak, kalaro o kahit na sino pa ng “Bading!” o “Bakla! Bakla!” na para bang sakit ang pagiging gay o kapintasan s’ya sa katawan. Napapaiyak ako minsan ng mga taong ‘yon, I swear. Pero hindi ‘yon yung pinakainiiyak ko noon. Maliit na bagay lang yung mga pamimintas na ‘yan, kasi inaasar ko rin naman sila ng “Nognog!” o “Panget!” o “Mamatay ka na!”

So quits lang.

Ang di ko talaga makakalimutan noon e yung gabi-gabi kong pagse-self pity dahil bakla ako. Naniniwala pa ‘ko kay god noon, kaya lagi ko s’yang kinakausap. Tinatanong ko s’ya sa isip almost every night. “Bakit ba ako bakla? Hindi ko na ba mababago ‘to? Ano bang ginawa ko’t ginawa mo ‘kong bakla? Bakit pa ‘ko naging bakla kung bawal naman pala? Pwede bang maging straight na lang ako? Ayokong maging bakla. Sana hindi na lang ako bakla.”

Gabi-gabi ‘yan. Puro existential shizz. Di ko pa alam yung term na ‘existential’ noon.

Tapos hindi ako makakatulog hanggat di ako umiiyak, hanggat di ko nailalabas yung sama ng loob ko. Syempre pigil na pigil yung iyak ko, saka sinisiguro ko munang tulog na yung mga kasama ko sa kwarto. Nakakahiya naman kasi kung malalaman nilang umiiyak ako. Baka bukod sa ‘bading’ o ‘bakla’ o ‘baboy’ (sobrang taba ko rin dati) o ‘cholesterol’ e tawagin na rin nila akong ‘iyakin’. Iyaking bading!

Minsan pa, maliban sa pagtatanong sa diyos, iniimagine ko rin na tatanda akong mag-isa, hindi ako magkakapamilya, hindi ako matatanggap ng mga tao forever, hindi ako magiging masaya, pagdurusahan ko ang pagiging bakla buong buhay ko at lagi na lang akong itatakwil ng mga mahal ko sa buhay. Syempre nagbibinata ako no’n kaya O.A. akong mag-isip.

Buti naman at hindi nagkatotoo lahat. Sort of.

Hindi ko na nga maalala kung kelan at pa’no ko na-outgrow ‘tong pagdadrama ko gabi-gabi. Although nagdadrama pa rin naman ako paminsan-minsan kapag gabi, hindi na ganu’n kalala. Saka di na ‘ko nag-iimagine ng mga worst-case scenario dulot ng kabaklaan ko. Yun nga lang, kinukulang pa rin ako ng tulog hanggang ngayon. Nasanay na siguro yung katawan ko sa pagpupuyat noong teenage years ko.

Mabuti na lang talaga at nag-out ako noong early 20s ko. Ang tagal kong pinaghandaan ‘yon. Nakailang failed attempts ako, pero eventually e nag-succeed naman ako. Di ko lang inasahang hindi lang pala ako once mag-a-out. Maraming beses pala. At nakakapagod s’ya. Pero kinakaya naman. Eto nga’t nakukwento ko na sa blog ko yung mga kabaklaan ko. Hindi naman lahat. Nagtitira naman ako sa sarili ko.

Sinasabi ko ‘to ngayon para kung may ibang bakla sa mundo (o sa Pilipinas man lang) na dumadaan din sa pinagdaanan ko noon at mabasa n’ya ‘to, malalaman n’yang di s’ya nag-iisa. Na wala s’yang monopoly ng hinanakit sa mundo o sa buhay o sa diyos dahil sa kasarian n’ya. Na kahit masakit at mahirap, mapapagtagumpayan naman. Things will get better. Trust me.

Kapit lang. Kapit ka sa kapwa bakla. Charot!

Advertisements