Syota

by Sankage Steno

“Bakit pa kasi kailangang ganito ang maramdaman?” tanong niya sa akin nang maghiwalay kami sa SM City Iloilo. Tanong ko rin iyan sa sarili ko. Di naman namin kailangan ng sagot pareho. Gusto lang naming sabihin sa isa’t isa na sana mas matagal pa kaming nagkasama.

“Salamat sa time na nagkasama tayo,” dagdag pa niya.

Walang anuman.

Kaka-resign lang niya sa pinagtatrabahuhang hotel sa Boracay. Kumikita raw siya ng 15k basic salary plus 15k service charge at ilang libo pa mula naman sa tip. Malaki rin. Nainggit ako. Tapos sa napakagandang isla pa siya nagtatrabaho. Samantalang ako, sa isang matrapik at mausok na bahagi ng Kalakhang Maynila.

Sinabi niya sa akin ang lahat nang ito kahit wala pa kaming isang oras na magkakilala. Kakakita ko lang sa kanya sa dalampasigan ng Station 2, sa tapat ng Epic Bar. Madilim ang dagat at ang langit, pero nagliliwanag ang beach. Nagliliwanag din ang mga mata kong may bacterial conjunctivitis.

Pinakamaliwanag sa lahat ang apoy sa dibdib ko.

Naglakad kami sa malapulbos na buhanginan habang nagtatanungan at kinikilala ang bawat isa. Gusto kong umakbay. Gusto kong hawakan siya sa kamay. Hindi pwede. Maraming mata sa paligid. Kung ako lang ang masusunod, gagawin ko talaga. Pero hindi ako ang nasunod.

Huminto kami sa tapat ng Bamboo Bar. Naupo kami sa pinakadulo, doon malapit sa dagat kung saan ang ilalim ng aming mesa at upuan ay inaabot ng high tide. Tumakbo siya sa dagat para maghugas ng paa. Pinanood ko lang siya.

“Ligo tayo,” yaya niya.

“Pa’no yung mga gamit natin?” tanong ko.

“Hayaan mo lang d’yan.”

Nakuntento kami pareho sa pagtatampisaw sa mababaw na tubig. Nang dumating ang tatlong bote ng Red Horse at tatlong bote ng Smirnoff, muli kaming naupo at nagkwentuhan. At nang maubusan kami ng pag-uusapan, nagtitigan kami. Gustong-gusto ko na siyang hawakan sa kamay. Nagpigil ako.

“Masaya ka ba?” tanong niya.

“Oo.”

“Totoo ba?”

“Makikipag-inuman ba ‘ko sa ‘yo kung hinde?”

Lumalim ang gabi. Numipis ang ulap sa madilim na langit kasabay ng pagnipis ng mga taong nagpa-party sa isla ng Boracay. Alas-dos na ng madaling-araw. Hindi namin namalayang limang oras na pala kaming magkasama. Limang oras pa lang. Pero parang ang tagal na.

Doon ako natulog sa inuupahan niyang kwarto.

Kinabukasan, bumalik na ako ng Iloilo. Kasama siya. Hindi ko siya pinilit. Siya ang nagpilit na sumama sa akin pabalik. Di pa raw siya napupunta roon. Naniwala naman ako. Kaya, ayon, pitong oras kaming magkatabi sa Ceres bus mula Caticlan hanggang Jaro. Pitong oras na tawanan, reklamo, pagkabagot, tawanan ulit at kaunting hawak.

Reklamo pa ulit. Ang sakit-sakit na ng mata ko. Lumala pa ang conjunctivitis ko. Hindi ko na kinaya. Buti na lang kasama ko siya.

Pagkatapos naming mag-check in sa isang mumurahing inn na sira ang pinto, walang ilaw ang banyo at hindi lumulubog ang kahit anong ihulog sa inodoro, agad kaming nagpunta sa ospital. Sa halip na makapamasyal, nauwi kami sa pagamutan. Hiyang-hiya ako sa kasama ko. Tuwang-tuwa naman siya dahil nakarating na siya sa Iloilo.

“Sobrang unforgettable ng trip na ‘to,” sabi niya.

“Seryoso?” di-makapaniwalang tanong ko. Ang totoo, iyon din ang naisip ko.

Natulog kaming magkayakap at nananakit pareho ang mga mata. Pagkagising kinabukasan, halos di namin maidilat pareho ang matang tadtad ng muta. Pero nang makapaghilamos, masaya kaming nag-check out at umalis papuntang SM City.

Pero agad namang napawi ang saya namin sa magandang umaga nang harapin namin ang katotohanang babalik na ako ng Maynila at siya ng Boracay.

Bago maghiwalay, tinawag ko siya at inakbayan. Sumakay ako ng van na biyaheng airport. Nang makapagbayad sa driver, biglang bumukas ang pinto sa likod ng sasakyan. Naroon siya. Inilahad niya ang kanyang kamay. Inabot ko. At sa loob ng isa’t kalahating segundo, nahawakan ko siya.

Ingat. Salamat.

Totoo nga sigurong iisang ugat lang ang dinadaanan ng lungkot at ligaya sa puso ng tao. Sabay ko kasi silang naramdaman habang umaandar ang van papuntang airport at unti-unti akong dinadala palayo sa kanya. Malakas ang kutob kong hindi na kami ulit magkikita.

“Bus na ‘ko,” sabi niya sa text. “Miss na kita shet.”

Bakit pa kasi kailangang ganito ang maramdaman?

Bakit hindi?

Image result for boracay night

Advertisements