Inuman, tinginan at hawakan sa buhanginan

by Sankage Steno

Pasado alas-nuwebe na ng gabi. Pinagmamasdan ko ang mukha niya habang nakaupo nang harapan sa dalampasigan. Nagkakatamaan ang mga paa namin sa ilalim ng mesa habang sabay na pinaglalaruan ang malamig na buhangin. May kakaiba talaga sa mukha niya na gustong-gusto ko.

Hindi naman ang semi-mohawk niyang buhok. Hindi rin ang makakapal niyang kilay o may-katangusang ilong. Wala rin namang kakaiba masyado sa kanyang labi na parang namumutla pa nga. Gusto ko tuloy kagatin para magkakulay nang kaunti.

Tinitigan ko bigla ang hawak na Red Horse nang mapansin niyang tinitingnan ko siya nang maigi.

“Sarap maligo sa dagat,” sabi niya.

“Ikaw na lang,” sabi ko. “Papanoorin na lang kita mula dito.”

Tumayo siya. Akala ko naman ay tatakbo na siya papunta sa madilim at malamig na tubig ng Boracay. Mali ako. Sa halip, lumakad siya pakanan, inikutan ang pahabang mesa at humablot ng monoblock chair. Itinabi niya iyon sa upuan ko at saka siya naupong muli.

“Dito na lang ako,” sabi niya.

Okay, sabi ko sa isip, that’s better. Nginitian ko siya.

Kinuha ko ang bote ng Red Horse. “Kampai!” Dinampot naman niya ang bote ng Smirnoff Mule. “Cheers!” At sabay kaming lumagok ng serbesa. Ang lamig. Sumabay pang umihip ang hangin mula sa karagatan at lumapit sa paanan namin ang malumanay na alon. Ang sarap.

Nang maibaba ko ang bote, nakita kong kinukutkot niya ang tatak ng hawak niyang beer. Natuklap na ang itaas na bahagi bago ko pa mapigilan ang kamay niya.

“‘Wag mong gawin ‘yan,” babala ko.

“Baket?”

“Malas daw ‘pag tinuklap mo yung label. Ibig sabihin daw tigang ka.”

Natawa siya. Pero sa halip na punahin ang sinabi ko, mas pinansin niya ang kamay kong pumigl sa kamay niyang kaninang kumukutkot sa label ng Smirnoff.

“Anlambot naman ng palad mo,” puri niya. “Yung sa ‘kin parang liha.”

“Grabe ka naman. Nahihiya nga ako ‘pag sinasabi ng ibang tao na malambot yung kamay ko. Baka isipin nila tamad ako, na hindi ako sanay magbanat ng buto.”

Tumahimik lang siya at tiningnan ang natuklap na papel sa hawak niyang bote. Saka ko napagtanto kung ano ang kakaiba sa mukha niya na gustong-gusto ko.

Pilik-mata.

Kung hindi pa siya pumwesto sa gilid ko, hindi ko mapapansing ang hahaba pala ng pilik-mata niya. Lalo iyong nagpapungay sa kanyang mga mata. Kaya pala kapag nagkakatinginan kami, pakiramdam ko ay inaakit niya ako at nahuhulog naman ako sa kanya. Lalo ko tuloy siyang nagustuhan dahil sa natuklasan ko.

Nahuli na naman niya akong nakatingin sa kanya.

“Ba’t antahimik mo?” tanong niya.

“Wala,” sagot ko, “pagod lang sa biyahe.”

“Masaya ka ba?”

“Oo.”

“Totoo ba?”

“Makikipag-inuman ba ‘ko sa ‘yo kung hinde? Mukha lang akong bored pero deep inside puma-party yung kalooban ko.”

Ngiti ang isinagot niya sa akin. Ngumiti rin ako. At muli naming pinakiramdaman ang palad ng isa’t isa sa ilalim ng mesa, tago sa paningin ng mga tao sa paligid. Totoo ngang parang liha ang palad niya, pero gusto ko. Gustong-gusto.

Image result for red horse boracay

Advertisements