Get, get ao! O kung paano ko nilibang ang sarili sa bayan ng Miag-ao.

by Sankage Steno

Muntik na ‘kong madismaya sa pagpunta ko sa Miag-ao, Iloilo, dahil wala masyadong mapuntahan maliban sa UNESCO World Heritage Site na Miag-ao Church. I know, I know, marami pang puwedeng puntahan doon tulad ng UP campus at ilang beach, pero gahol kasi ako sa oras at simbahan lang talaga ang idinayo ko roon.

Litrato ni Steno Padilla.

Para naman hindi masayang yung halos dalawang oras na biyahe ko papunta sa antuking bayang iyan sa Iloilo, nagtanung-tanong ako sa mga tagaroon kung saan puwedeng mamasyal. Wala silang maisagot sa akin. Nang tanungin ko naman kung saan masarap kumain, itinuro nila ang inumang ito:

Litrato ni Steno Padilla.

I’m sure masarap ang pagkain d’yan, pero di ko sinubukan kasi kapareho lang din ng pagkain sa Maynila yung nasa menu nila. Inihaw na manok, inihaw na baboy, sisig, atbp. Ang ginawa ko, nagpunta na lang ako sa maliit nilang plaza at naghanap ng streetfood. Hindi naman ako nabigo. Tabi-tabi kasi sila roon.

Dito na medyo nagkakulay ang pagbisita ko sa Miag-ao. Meron kasing isang stall na nakakatawa yung pangalan. Dahil sa medyo witty ang nakaisip ng pangalan ng tindahan nila, doon ako namapak ng siomai at balls. Kayo na ang humusga kung masayang kainan ang stall na ‘to:

Litrato ni Steno Padilla.

Syempre nauhaw ako pagkatapos kumain. Bumili ako ng mineral water sa naglalako sa gilid ng simbahan. Doon ko piniling bumili dahil gusto kong makatulong kahit kaunti sa mga maliliit na negosyante, lalo na sa mga nasa probinsya. Muntik na ‘kong masamid nang mabasa yung tatak ng mineral water na binili ko sa ale.

Litrato ni Steno Padilla.

Hindi naman masyadong obvious, hano? Pero winner s’ya. Jose Rizal approves! Hypebeast approves! Pero kung obvious lang din ang pag-uusapan, wala nang tatalo sa public CR nila. Sa halagang limang piso, makakapagbawas ka na nang maluwalhati, may libre ka pang view sa labas. Pati yung nasa labas, may libre pang boso. Sa’n ka pa?

Litrato ni Steno Padilla.

Pero kung pamboboso lang din ang trip mo, bosohan mo na si Mother Nature ‘pag nagawi ka sa Miag-ao. Sabi ko nga, antukin ang bayang ‘to, pero maganda. Kung gusto mo ng tahimik, ng kapayapaan, ng malapit sa dagat at ng maraming luntiang bagay, punta ka na rito.

Litrato ni Steno Padilla.

Malapit lang naman siya sa city at sa San Joaquin (kung saan marami pang makikita at mapupuntahan). Saka mababait ang mga tao. Kahit alam nilang di ka tagaroon, di mo naman mararamdamang iba ka. Siguro sa susunod na pagpunta ko sa Miag-ao, mas hahabaan ko pa yung ilalaan kong oras.

Hindi man siya “tourist spot” kung ikukumpara sa ibang destinasyon sa Pilipinas, masasabi ko pa ring maganda ang Miag-ao. Nakakatawa rin s’ya nang di sinasadya. Mas maganda siguro kung may kasama kang dadalaw sa bayang ito. Mas okay ‘yon kasi may kasama kang tumawa at magnilay-nilay.

Litrato ni Steno Padilla.

Advertisements