Boracay Magic

by Sankage Steno

“May magic ang Boracay,” sabi ng kaibigan ko habang kumakain kami ng ramen noong Sabado ng gabi.

Sumang-ayon naman ako. Di ba nga, kwento ko sa mga nauna kong post, wala naman akong love life noong pumunta roon kamakailan lang. Tapos wala pang kalahating araw akong nandoon, nagkaroon agad ako ng instant boyfriend. Sinamahan pa ‘ko pabalik ng Iloilo kinabukasan. Ay iba!

Iba talaga ang karanasan ko sa isla ng Boracay. Parang nagtutulong-tulong yung dagat, buhangin, araw, niyog at musika sa hangin para pasayahin ka pa lalo. Sa tatlong beses ko kasing pagdalaw roon, hindi pa ako umuwing malungkot o parang nalugi.

Litrato ni Steno Padilla.

Iyon nga lang, nanganganib na mawala yung magic ng Boracay kung magtutuloy-tuloy yung “development” na nangyayari sa isla. Nitong huling dalaw ko kasi, nagulat ako sa dami ng mga gusaling nakatayo sa gilid ng beach at ng “highway.” Yung mga daanan papunta sa beach, kumipot pa lalo.

Para bang ang naging batas sa isla ay “Hanggat may espasyo, tayuan ng kung ano-ano.”

Nakakalungkot. At iyong mga lumot sa dagat, totoo siya. Wala pa iyon noong magpunta ako five years ago. Ang mas nakakalungkot pa, parang walang tagaroon ang naglilinis ng mga lumot na ‘yon. Kung may gamit nga lang ako, ako na ang nagkusang mangolekta ng dumi nila.

Litrato ni Steno Padilla.

Ang isa ko pang ipinagtataka, saan napupunta ang environmental fee na kinokolekta nila sa jetty port? Parang wala naman kasing nangyayaring maganda sa environment ng Boracay. Oo, maganda pa rin s’ya. Masaya pa rin lalo na ‘pag gabi, pero palala nang palala ang kalagayan ng isla.

Balita ko, wala pa sa kalahati ng bilang ng mga establisyimento sa Boracay ang nakakonekta sa sewerage system. Ibig sabihin, yung karamihan ng hotel, restaurant, bar, club at negosyo roon, kung saan-saan lang tinatapon ang dumi nila. No wonder nilulumot na yung tubig sa dagat.

Litrato ni Steno Padilla.

At kapag naglakad ka sa kalsada, bawat sampung metro yata may maaamoy kang ebak. Para bang nagpupumilit kumawala sa mga siwang sa semento yung malaimpiyernong tae sa ilalim ng lupa. Wala naman akong naamoy na gano’n dati. Nakakasuka lang na nasanay na yata sila sa amoy doon kaya di na nila pansin.

Kaya sang-ayon ako sa balak ni Duterteng ipasara ang Boracay. Pero hindi permanente. Pansamantala lang dapat. Pabor ako sa balak ng DOT na isara muna ang isla ng 60 araw sa pagitan ng Hunyo at Setyembre para sa malawakang paglilinis at rehabilitasyon doon.

Kung ako ang masusunod, dapat gawin siya taun-taon para mapanatili ang ganda ng isla. Dapat din, ikonekta na lahat ng establishment at bahayan doon sa matinong sewerage system. Ituloy din dapat yung pagsasara at paggiba sa mga gusaling lumalabag sa easement at sanitation laws.

Litrato ni Steno Padilla.

Huwag lang sanang mapulitika masyado ang mga gagawing hakbang sa pagsasaayos ng Boracay. Noong pumunta kasi ako roon noong umpisa ng Marso, pasikat itong si Sen. Cynthia Villar sa “imbestigasyon” niya sa lagay ng isla, samantalang pamilya niya ang may-ari ng Vista Land doon.

Maliwanag na conflict of interest.

Isa pa, nagiging diyos-diyosan ang mga kawani ng gobyernong tumutugon sa pangangailangan ng Boracay na para bang sila ang nagligtas sa isla. Kung tutuusin, trabaho naman talaga nila ‘yon. Nakakainis lang na nagkalat ang mga streamer na ito roon nu’ng magpunta ako:

Litrato ni Steno Padilla.

Sana maisip ng mga negosyante at pulitiko roon na sila rin ang malulugi kung papabayaan nila ang Boracay. Ang dami kasing tanga. Puro sariling bulsa lang ang iniisip. Pwede namang yumaman at magpakasaya nang hindi naninira o pinapabayaan ang isla.

Suportado ko talaga ang gobyerno sa balak nilang pagsasara ng Boracay para linisin at ayusin ang isla. Sana hindi ningaskugon ‘to. Ayokong bumalik doon na wala na yung magic na naranasan ko dati. Mas malala, baka wala na ‘kong balikan sa susunod. ‘Wag naman sana.

Litrato ni Steno Padilla.

Advertisements