Mt. Pigingan: A Beginner’s Guide

by Sankage Steno

Hindi recommended para sa mga beginner na i-day hike ang bundok na ito sa Itogon, Benguet. Pupwede ito sa mga baguhan kung kukunin ng dalawang araw at magka-camp doon ng isang gabi bago ang final assault sa summit. Pero dahil pasaway ako at ang aking mga kasama, nag-day hike kami.

Kinaya naman dahil sa tindahan ng ice candy sa may “crossing” na nagbigay ng kaunting pahinga sa amin, at sa tindahan ng halo-halo sa ibaba, sa tabi ng Agno River para sa pampalamig matapos ang nakamamatay na pag-akyat namin sa Bundok Pigingan. Take note: Kinaya naman.

Narito ang ilang tips para sa mga walang magawa sa buhay at gustong akyatin ang bundok na ito:

  1. Huwag ninyong i-day hike. Buwis-buhay na agad ang pagpunta pa lang sa Dalupirip (jumpoff ng hike). Rough road, makipot, bangin. Lahat na. Kapag sinabi sa iyo ng mga tagaroon na 5 to 10 minutes na lang at mararating n’yo na ang registration, huwag maniwala. Malayo pa s’ya. Iba ang sense of time ng mga tagabundok sa ating mga tagapatag.
  2. Huwag ninyong i-day hike talaga. ‘Wag talaga. Kahit kinaya namin, hindi naman masaya ang pagbaba dahil laspag na ang mga tuhod namin at wala nang may gustong bumaba ng van at kumain pagdating sa Leeza’s Restaurant sa Sison, Pangasinan. Gano’n s’ya katindi. Kung ayaw n’yong mag-away-away at sumpain ang isa’t isa sa sakit at pagod, trust me, ‘wag i-day hike ang Bundok Pigingan.
  3. Huwag na huwag magde-day hike. Nagsimula kami ng alas-otso ng umaga sa pag-akyat. Nakarating kami sa summit ng alas-dos ng hapon. Nakababa kami sa registration kung saan kami nagsimula ng bandang alas-otso ng gabi, give or take a few. Hindi na day. Night na. Kaya hindi s’ya talaga matatawag na day hike. Makinig ka sana sa akin at huwag maging pasaway.

Pero dahil alam kong maraming pasaway, naglaan na rin ako ng ilang tips para sa inyo:

  1. Magdala ng maraming tubig. Mahina ang dalawang litro, pero ‘yon lang ang recommended ko kung ayaw mong mabigatan masyado sa pag-akyat. Huwag mag-alala, meron namang makukuhanan ng tubig along the way. Basta keep hydrated kung ayaw mong uminit ang ulo at mamatay sa dehydration.
  2. Magsuot ng cap o balabal sa mukha. Sobrang init sa trail dahil open s’ya at wala masyadong puno. Pagdating mo naman sa taas, sobrang hangin kaya di uubra ang payong. Mahalaga rin na libre ang mga kamay para sa matatarik na pag-akyat.
  3. Dahan-dahan lang pero tuluy-tuloy. Huwag magmadali sa pag-akyat pero ‘wag din sobrang pabebe. Kung ayaw mong abutin ng dilim sa daan, ‘wag tumigil kahit nasasaktan na at nahihirapan. Parang life lang ‘yan. Keep moving forward.

Iyan lang ang masasabi ko dahil ayaw kong i-spoonfeed kayo masyado. Gusto ko ring ma-discover n’yo sa sarili kung ano ang hirap at sarap sa pag-akyat sa (napakaraming) summit ng Bundok Pigingan. Basta, malalaman n’yo na lang pagdating doon.

P.S. Bumili kayo ng ice candy sa crossing at ng halo-halong may macaroni. Hindi ninyo pagsisisihan. More of this on my next blog post. At salamat kay Sir Peter para sa larawan sa ibaba.

Advertisements