Pinawi ng Ice Candy ang Pagod sa Pigingan

by Sankage Steno

Nakakasampung libong hakbang pa lang kami paakyat ng Bundok Pigingan, pero lawit na ang mga dila namin sa tindi ng init at sa tarik ng daan. Wala kaming kaalam-alam na wala pa pala sa kalahati ang hirap na pagdadaanan namin sa bundok na nabanggit.

Wala pa sa kalahati.

Ayon kasi sa isa kong kasama, nang siyasatin niya ang app sa smartphone noong pauwi na kami, lumabas na mahigit 37,000 steps ang nalakad namin sa pag-akyat at pagbaba ng Pigingan. Katumbas ito ng isang gusaling may 287 palapag o layong di lalagpas sa 22 kilometro.

Kung pioneers kami, maliit na bagay ito. E kaso hinde. Mga tagapatag kaming laging nasa aircon kapag nagtatrabaho at nagko-commute sa halip na naglalakad papasok ng opisina at pauwi ng bahay. Higit pa ito sa ideyal na haba ng paglalakad na nasa 8,000 hanggang 10,000 hakbang lamang kada araw.

Buti na lang at nakatagpo kami ng masisilungan sa may crossing ng Bundok Pigingan. Dito namin nakilala si Aling Tomasa na taga-Liwaguen. Sa kanyang maliit na tolda sa ilalim ng puno (na nasa larawan sa ibaba), makikita ang iba’t ibang paninda niya tulad ng nilagang itlog, nilagang saging, sopdrinks at ice candy.

Hindi ko alam kung natuwa lang ba si Aling Tomasa sa amin o naawa, pero libre niyang ibinigay ang matamis na bunga ng guyabano at ang malinis tubig sa tindahan. Salamat! Napakalaking tulong talaga.

Dahil naglilihi ako sa malamig na makakain, at dulot na rin ng matinding sikat ng araw, napabili ako ng dalawang ice candy ni Aling Tomasa: isang buko flavor at isang kamote flavor. Buti na lang talaga at bumili ako. Iyon na yata ang pinakamagandang pasyang nagawa ko noong araw na iyon.

Seryoso, walang halong bola, iyon ang pinakamasarap na ice candy na nakain ko.

Hindi lang dahil sa pagod ako o uhaw o init na init. Talagang masarap ang ice candy, lalo na ang buko flavor. Hindi kinulang sa tamis, hindi binarat sa gatas at tamang-tama ang tigas ng yelo. Walang sinabi ang lahat ng ice candy na gawa rito sa kapatagan.

Masarap din ang kamote ice candy ni Aling Tomasa. Hindi siya kasintamis ng buko flavor, pero tamang-tama ang lasa at, sa tingin ko, akma para sa gustong mag-carbo loading para sa napipintong assault sa summit.

Ang ganda pa ng puwesto ng tindahan ni Aling Tomasa dahil nasa bandang gitna ito ng trail. O baka dahil masarap lang talaga ang ice candy niya at may libre silang tubig kaya ko nasabing maganda ang puwesto nila? Ano’t ano pa man ang dahilan, sigurado akong hindi ninyo pagsisisihan ang pagtambay roon.

At kung mapadpad kayo sa tindahan ni Aling Tomasa sa Bundok Pigingan, huwag kayong magkuripot. Pakyawin n’yo na ang tinda nilang saging at itlog, na tamang-tama rin ang pagkakalaga, hindi kulang-kulang at hindi rin sunog. Masasabing may pagmamahal ang pagluluto at paghahanda ng mga pagkain.

Nakakalungkot nga lang na ubos na ang ice candy noong bumaba ako mula sa tuktok. Gano’n kabenta ang tinda ni Aling Tomasa. Sa halagang sampung piso, nasarapan ka na, napawi pa ang pagod mo. Sana matikman ko pa ang ice candy na ‘yon bago ako tumanda’t rayumahin.

P.S. Muli, salamat kay Sir Peter para sa kalakip na larawan.

Advertisements