Batak na Utak

by Sankage Steno

Bakit kapag nakakita ka ng maganda ang katawan, namumutok ang muscle, maliit ang bewang, may six-pack abs, at gwapo o maganda, hindi mo binu-beauty shame? Pero bakit kapag mahusay mag-isip, magaling magpaliwanag at kayang itama ang mali mong paniniwala, ang bilis-bilis mong mang-smart-shame?

Ikaw na!

Di ba dapat parehas lang na hangaan ‘yon? Actually, kung ako nga ang tatanungin, dapat mas hangaan ‘yung matatalino kesa magaganda at gwapo. Kasi madalas, pinaghihirapan ‘yung pagiging matalino. Lifelong s’ya. ‘Yung physical beauty, although pinaghihirapan din naman, madalas e inborn. But this is debatable.

Nosebleed!

Nakakainis lang kasi dahil innate na sa mga tao ang higit na pagbibigay-halaga sa panlabas na kaanyuan kesa katalinuhan. Siguro bahagi s’ya ng evolution ng tao. Na mahalaga ang physical beauty sa survival ng ating species. Pero di ba mas mahalaga ang intellect ng tao para maka-survive?

Daming alam!

Nakakalungkot lang kasi na kapag matatalino ‘yung pino-post ko sa social media, wala masyadong pumapansin. Walang nagla-like. Pero kapag picture ko ang pinost ko, bumabaha ng likes at puso. Maswerte nga ako dahil hindi ako panget. Pero sana mas pansinin at pahalagahan ng tao yung angking talino ko.

Bida-bida masyado!

Hindi naman sa nanghihingi ako ng likes o approval. My goodness! Di ko kailangan ng mga ‘yan para malaman sa sarili ko na matalino ako at may hitsura. Ang punto, gaya nga ng sinabi ko, bakit may smart-shaming na nangyayari e positive trait naman ang pagiging matalino?

Edi wow!

Siguro kung magkaka-persona yung utak ko, kamukha s’ya ni James Reid o ni Pia Wurtzbach. Siguro kung makikita lang iyon ng mga tao, hindi na nila ako ii-smart-shame. Baka bigla pang dumami ang followers at likes ko. E kaso nakatago ang utak. Hindi nila makikita yung six-pack neurons o yung toned cerebrum ko.

Deep!

But I guess that’s life. Matagal pa siguro bago tayo mag-evolve to a point na mas prized na ang talino kesa anyo. Siguro mangyayari lang ‘to ‘pag nagkaroon ng epidemic o virus, at ang unang tatamaan ay yung magaganda at gwapo. Pero immune ang mga may batak na utak.

Litrato ni Smart Shaming Awareness.

Advertisements