Anak ng Tinola: Ang Pagluluya ng Matatandang Radio Commentator

by Sankage Steno

Habang nagluluto ng tinolang manok kanina para sa aming pananghalian, hindi ko maiwasang makapakinig ng radyo dahil lagi kong dinadatnang nakabukas ‘yon tuwing umaga. Iyon na kasi yung nakagawian ng lola ko. Nagulat lang ako dahil karamihan pala ng mga nasa radyo ngayon e puro ka-DDS.

Habang naggigisa ako ng bawang, sibuyas at luya, narinig ko ang tatlong lalaking nagbibigay ng kanilang kurokuro tungkol sa isyu ng paglalagay ng China ng missiles sa West Philippine Sea. Sa halip na magalit kay Duterte o hilingin sa pangulong tuligsain ang ginawa ng China, sinisi pa nila si Noynoy Aquino.

Anak ng tinola!

Ang sabi ng mga matatandang hukluban sa radyo, nagsimula lang daw magtayo ng infrastructure ang China sa West Philippine Sea noong 2012 dahil sa ginawang pagtuligsa ni P-Noy noon laban sa nasabing bansa. Hindi nila binanggit ang tungkol sa standoff sa Scarborough Shoal. Siguro nalimutan nila. Pero ‘yon ang nakikita kong tinutukoy nila. Samantalang mangingisda natin ang inaagrabyado ng mga barko ng Tsina. Buti nga’t kinalaban ni P-Noy.

But no. Sabi ng matatanda sa radyo, kung hindi raw kinontra ni Aquino ang China, kung nakipagtulungan daw tayo o nanahimik tulad ng ginagawa ng Singapore at Malaysia (na wala raw kontra sa China kahit meron naman talaga), hindi raw magtatayo ng military base sa West Philippine Sea.

Dagdag pa nila, hindi raw totoong walang ginagawa si Digong. May mga sinasabi naman daw s’ya paminsan-minsan. Hindi naman nila ini-specify kung ano. E ang alam kong sinabi ni Digong, “I love China.” Gusto pa nga n’yang ibigay yung mga isla natin kapalit ng pautang o infrastructure projects. E tahasang pagbebenta na ‘to ng teritoryo at likas-yaman natin sa China tapos panay papuri pa rin ng mga gunggong sa radyo.

Giit pa nila, si Aquino raw talaga ang puno’t dulo ng kaguluhan sa West Philippines Sea. Dapat daw kasi e nakipag-usap tayo nang maayos sa China. E di ba nga ginawa na ni P-Noy ‘yon noon pa? Pinadala n’ya si Binay, tapos si Trillanes, para makipag-usap at makipagkasundo sa mga Tsino. May nangyari ba?

Wala.

Ang hirap sa mga radio commentator na ito, kuda nang kuda, wala namang facts o specific example na ibinibigay. Panay lang ang sabi nila na may ginagawa naman daw si Duterte, may sinasabi naman daw, etc, etc. At si Aquino, wala raw ginawa. Pinalala pa raw yung problema sa West Philippine Sea.

Anak ng tinola talaga!

Napatisan ko na yung ginisa ko, nailagay ko na yung manok, napakuluan at naidagdag yung gulay, pero nauna pang uminit yung ulo ko kesa sa niluluto ko. Bago ko pa matakpan para hayaang kumulo yung tinola, at bago ko pa mailaglag yung dahon ng sili, hinatak ko na sa saksakan yung radyo.

Kaya naman pala ganu’n kung mag-isip yung mga matatanda sa amin. Puro kabobohan pala yung naririnig sa radyo. Ang lakas din talagang makaimpluwensya sa pag-iisip itong media e. I should know dahil inaral ko ‘yan. Di ko lang inakalang kapag nagpalit ng pinuno e nagpapalit din ng paniniwala ang mga tao, lalo na yung nasa media.

Buti di nasunog yung niluluto ko. Ang sarap pa rin kahit masama yung loob ko sa narinig sa radyo.

Image result for tinolang manok

Advertisements