Talagatan

by Sankage Steno

Sanlaksang tala ang nakatanaw
sa ating dalawa habang
magkatabi tayong nakaupo
sa dalisdis ng burol.

Malayo sa mga matang
paghuhusga ang kornea;
talukap naman ay pag-iimbot
sa mga gunitang binubuo.

Hawak mo aking kamay,
nakapatong sa iyong hita,
kapwa nakatitig sa malayo
at langit ay inaabot.

Katahimikan ang sariling wika
ng matatabil nating dila,
sinasambit ang pangakong
habambuhay nga’y ngayon.

Lahat ng paparating na bukas–
maginhawa at mahirap,
masaya man o malungkot–
ay mga halik na ipupupog.

Dito sa burol kung saan ang
maririkit na tala ay karagatang
sa karimlan umaagos
at sa damdami’y umaalo.

Advertisements