Bakanteng silid

by Sankage Steno

May isang kuwarto sa bahay namin na kinatatakutan ngayon ng mga nakatira sa amin. Tita ko at pinsan ang gumagamit ng silid na ‘yon, pero dahil nag-aaral na sa kolehiyo si pinsan, bakante na s’ya ngayon at madalas ay walang tao sa loob. E noong isang linggo, biglang may insidente sa kuwartong nakakapanindig ng balahibo.

Yung isa kong pamangkin, habang umaakyat sa hagdan papunta sa sala sa taas ng bahay e napatingin sa loob ng nasabing kuwarto. Tapos nakita n’ya bigla yung isang babaeng nakaputi na nasa silid at lumulutang. Edi napakaripas ngayon ng takbo yung pamangkin ko. Putlang-putla. Kinabukasan, nilagnat s’ya.

Nang dahil sa pangyayaring ‘yon, napag-alaman kong matagal na palang may nakikitang white lady du’n sa silid na ‘yon. Yung nanay ng pamangkin kong nilagnat sa takot, matagal na raw n’yang nakikita yung babae roon. Di lang n’ya pinapansin. At dahil mother and son silang nakakita sa parehong babae, lalo kaming natakot.

Maliban sa pagpapakita ng babae, may doppelganger din sa bakanteng silid. A couple of weeks ago, habang nagluluto ako ng tinola sa kusina dahil wala yung lola ko na s’yang laging nagluluto sa ‘min, kinausap ako ng isa kong tita. Nag-aalangang natatawa na natatakot na nalilito yung mukha n’ya.

“Akala ko andu’n ka sa kwarto,” sabi n’ya sa ‘kin.

“Wala,” sagot ko. “Kanina pa ‘ko bumaba dito sa kusina.”

“E sino yung nakita ko sa kwarto?”

“Aba, malay ko.”

“Ikaw yun e. Nagsusuot ka pa nga ng medyas.”

Kung ano-anong pagdadahilan ang sinabi ko para lang hindi matakot yung tita ko. Ilang beses na rin kasing nagpakita yung doppelganger ko sa bahay. Kahit yung kapatid kong babae, nakita na yung ka-double ko dati nu’ng nag-aaral pa ‘ko sa UP.

Eto yung nangyari: Pagkatapos maghapunan, umakyat s’ya sa sala sa taas, tapos nakita n’ya raw akong nakaupo sa sofa at nakatanaw sa malayo na parang nag-iisip nang malalim. Ang nakakatawa, wala ako nu’n sa bahay. Nasa UP ako.

Bukod pa rito, du’n sa bakanteng silid, nakakarinig din yung mama ko ng tumutugtog ng gitara kapag umaga o tanghali. E kapag ganu’ng oras kasi, madalas e walang tao sa bahay dahil nasa trabaho kami at nasa paaralan naman yung mga bata.

At least musical yung multo sa amin, di ba?

Dahil sa mga insidenteng ito, nagpasya akong subukan kung magpapakita sa ‘kin yung white lady o yung doppelganger ko o yung multong sanay maggitara. Ang ginawa ko kagabi, du’n ako natulog nang mag-isa sa bakanteng silid. Nakasara ang pinto at patay ang ilaw para todo na ‘to.

To make the story short, napuyat lang ako kakahintay sa kahit anong magpaparamdam, pero walang nagpakitang white lady, doppelganger o musical Casper. Ang pinakanakakatakot lang na nangyari sa ‘kin e dalawang beses akong nagka-sleep paralysis. Or semi-bangungot.

Yung unang beses, parang may nakahawak sa magkabila kong pulso at pinipigilan akong gumalaw. Tapos narinig kong may nagsalita sa tenga ko at sinabing “Gusto kitang marinig sumigaw.”

Hindi ko pinagbigyan si Ate. Di ako sumigaw. At pinagpilitan kong kumawala du’n sa kamay na nakahawak sa ‘kin. Nang makawala ako, ayun, nagising na ‘ko nang tuluyan.

Yung pangalawa naman, parang may nakadagan sa ibabaw ko at ayaw akong pagalawin. As usual, inaway ko sa isip yung kung sino o anumang pumipigil sa ‘kin. Sabi ko sa isip, “Tigilan mo ‘ko. Di mo ‘ko matatakot. Di ako aalis dito kahit takutin mo pa ‘ko. Matuto kang lumugar. Bahay namin ‘to, nakikitira ka lang.”

Ayun, nakawala naman ako at nagising. Kaya heto ako ngayon, buhay na buhay at nakakapagkwento pa rin sa aking blog. Buti na lang. I love living. Takot akong mamatay.

Pero mamayang gabi du’n ulit ako matutulog sa bakanteng silid.

Image result for dark bedroom

Advertisements