Pasalamat ka

by Sankage Steno

Marami akong pangit na katangian. Papansin ako, mayabang, pasikat, maikli ang pasensya sa maliliit na bagay, mainitin ang ulo, malupit sa sarili, palaisip nang malalim lalo na kapag may magandang nangyari, at mataas ang expectation sa maraming bagay. Ako rin minsan ang gumagawa ng ikaii-stress ko sa buhay.

Pero may isa akong katangiang talaga namang ikinatutuwa ko sa sarili dahil nag-eeffort talaga akong mapanatili s’ya. Simple lang s’ya kung tutuusin, pero hindi lahat e ginagawa o sinasabuhay ‘to: Sanay akong magpasalamat.

Kapag gumigising ako sa umaga, nagpapasalamat ako dahil buhay pa ‘ko. Bago matulog sa gabi, nagpapasalamat ako dahil nakatapos na naman ako ng isang araw na buo pa. Kapag nananalo ako, sobrang nagpapasalamat ako dahil may kumikilala ng kakayahan ko. Kapag minamalas naman ako, pinipilit ko pa ring magpasalamat dahil alam kong chance ‘yon para ayusin ang buhay ko o kaya e lalo pang mapaghusay ang sarili.

Nagpapasalamat din ako dahil nakakapagtrabaho ako at may trabaho ako kahit alam kong mas malaki ang suweldo ng mga kaibigan ko kesa sa ‘kin. Nagpapasalamat ako dahil hindi ako nagugutom kahit ginugutom ko ang sarili minsan kapag nagpapapayat ako. Nagpapasalamat ako dahil may access ako sa internet at sa maraming media kahit hindi lahat ng nakikita ko do’n e maganda.

Malaki rin ang pinagpapasalamat ko dahil meron akong pamilya kahit kulang na kami. Nand’yan pa rin sila kahit nagkakasamaan kami ng loob o namomroblema ng malaki minsan. Marami din akong kaibigang matatakbuhan sa oras ng kagipitan o kahit pa sa oras ng kaligayahan. Marami ring taong alam kong sumusubaybay sa ‘kin kahit pa di ko sila gano’n ka-close.

Nagpapasalamat din ako dahil ipinanganak akong bakla. Kung naging straight siguro ako, baka naging boring na ang buhay ko. Baka katulad ng sa karaniwang tao na may pamilya, nagpapaaral ng anak, kumakayod araw-araw hanggang sa tumanda at mamatay. Either ‘yon o babaero ako. Ano’t ano pa man, buti naging bakla ako kasi iba ang pananaw ko sa buhay kumpara sa nakararami.

Higit sa lahat, nagpapasalamat ako dahil naipapahayag ko ang lahat ng ito rito. Nakakapagsulat ako. Nakakapag-isip. Nakakapagtama ng mali. Natututo pa. Nabubuhay nang ayon sa gusto ko. Kung minsan nga, naiisip ko na parang wala na ‘kong mahihiling pa kahit ang totoo ay marami pa ‘kong gustong marating sa buhay. Ang amazing lang.

Kaya sa lahat-lahat, maraming salamat. Buti hindi ko nakakalimutang magpasalamat.

——-

P.S. Salamat din pala dahil ang pogi-pogi ko. Matalino na, pogi pa. Ang dami-daming nagkakagusto sa ‘kin na pinoproblema ko na minsan ang pagiging pogi. Hay, buhay. Parang life. Salamat talaga.

Image result for salamat

Advertisements