Dinodoktor

by Sankage Steno

Nakakalungkot lang na may ilang doktor o dentista na pineperahan ang mga pasyente kapag alam nilang may trabaho o mukhang mayaman ito. Pakibasa ulit ha? Sabi ko, ‘may ilang doktor o dentista’. Di ko sinabing ‘karamihan’ o ‘lahat’. Baka maraming balat-sibuyas d’yan. Hindi ko naman kayo uurungan.

Mabalik ako. Ganito kase, kapag nagpapalinis ako ng ngipin o nagpapakonsulta sa dentista, kung anu-ano ‘yung sasabihin nilang mali sa ngipin ko kahit alam ko namang hindi ganu’n kalala na nangangailangan ng operasyon o X-ray o braces. Masaya po ako sa sungki-sungki kong ngipin. Hindi ako sobrang banidoso.

May kaibigan nga ako e, nagpalinis lang ng ngipin (worth P500). Paglabas n’ya sa dentista, nagbayad s’ya ng P10,000. Ang sabi daw kasi sa kanya, malapit na raw bumigay ‘yung gums n’ya. Mahuhulog daw lahat ng ngipin n’ya, so kailangang i-treat. Di ko na maalala ‘yung ginawa sa kanya pero “pinaayos” n’ya ‘yung gums n’ya kasi nga natakot s’ya sa sinabi ng dentista.

Di ko sure kung totoo ngang mabubungal na ‘yung kaibigan ko, pero alam ko malinis s’ya sa katawan, pati sa ngipin. Ang sabi pa n’ya sa ‘kin, tuwing pupunta raw s’ya sa dentistang ‘yon, laging may nakikitang mali sa ngipin n’ya. Kung anu-ano raw ‘yung sina-suggest na treatment para lang makapagbayad s’ya nang malaki.

Eto pa. ‘Pag nagpapatingin ako sa doktor, maliban sa inuulit na lang nila ‘yung nabasa ko sa Google (na okay lang naman kasi iba pa rin kapag doktor ang nagsabi), kung anu-anong gamot na mamahalin ang nirereseta sa ‘kin kahit pa impression pa lang ang meron sila at hindi diagnosis.

Kainis.

‘Yung isang doktor na pinuntahan ko, niresetahan ako ng pinakamahal na brand na gamot. Halos P100 per capsule ‘yung presyo. Buti na lang sa Generika ako bumili. P11 lang per capsule ‘yung generic. Kasalanan din ‘to ng mga med rep e. Pera-pera pa rin talaga kahit sa pagkakasakit.

Ang isa pang kinakainis ko sa mga doktor, dahil iniisip nilang walang alam ‘yung pasyente, minsan e tinatakot nila at sinasabihang magpaopera kahit di naman talaga required pang operahan. Nalaman ko ‘to kasi humihingi ako lagi ng second o third opinion sa ibang doktor.

Eto ha, doktor na mismo ang nagsabi. Meron talagang namemera lang. ‘Yung tipong, hindi mo naman kailangang ipatanggal ‘yung ganitong internal organ, pero isa-suggest ng ibang doktor na tanggalin. Syempre nga naman, kikita ‘yung surgeon at anesthesiologist kapag gano’n, saka ‘yung ospital kapag gumamit ng facilities nila.

Nakakalungkot lang na sa halip na intindihin ang paggaling ng mga pasyente, mas iniintindi pa ng mga doktor ang kumita ng malaking halaga. Naiintindihan ko naman na mahal ang mag-aral ng medisina at kailangan ding kumita ng mga doktor, pero sana naman ‘wag n’yong lokohin ‘yung mga pasyente.

Kung di naman kailangang operahan, ‘wag operahan. Kung kaya ng gamot lang, gamot na lang ireseta n’yo. At kung magrereseta man kayo ng gamot, ‘wag naman ‘yung branded lagi ang ipagpilitan n’yo. Di lahat e alam na pwedeng magtanong ng generic na gamot. Nakakaawa lang ‘yung mga walang health card o perang pampagamot. Ang gastos-gastos pa namang magkasakit.

Image result for money doctor

Advertisements