Ang kulang na lang sa pagod ko

by Sankage Steno

Image result for writing

“Ito ‘yung pagod na gusto natin,” sabi ni Eugene Domingo sa isang interview dahil sa sunud-sunod na project na dumarating sa kanya matapos tumabo sa takilya ang pelikula niyang Kimmy Dora.

Medyo naiintindihan ko na ‘yung sinabi n’yang ‘yon dahil parang ganu’n din ‘yung nararanasan ko sa ngayon. Pero di ko naman sinasabing kasingyaman o kasingsikat na ‘ko ni Ms. Eugene. Syempre, mas mayaman at mas sikat pa rin ako. Charot!

Pagod ako kasi, simula nang pumatak ang taong 2018, tuluy-tuloy ang mga personal projects ko. Noong Enero at Pebrero, tinapos ko ang isang nobelang nasimulan ko noong Oktubre 2017. Pagdating naman ng Marso at Abril, tinapos ko ang ilang maiikling kuwento at mga tula para sa mga sinalihan kong patimpalak.

Nang sumapit naman ang Mayo at Hunyo, sinulat at tinapos ko ang isa pang nobela. Ngayong Hulyo naman, naging abala ako sa workshop para sa mga LGBTQ writers kung saan natanggap ang koleksyon ko ng mga tula. Maliban pa rito, may seminar ako sa journalism para sa mga guro sa pampublikong paaralan bukas.

Sa darating na Agosto, lilipad naman ako sa ibang bansa para sa isang coverage sa trabaho ko. Ayun pa nga, lahat ng personal projects ko ay dagdag pa sa day job ko. Kaya siguro parang napapadalas na ang pagsakit ng ulo ko, pati na rin ng kung anu-anong bahagi ng aking katawan. Masyado na raw akong umaabuso.

Pero hindi naman ako nagrereklamo.

Sa katunayan, kahit pagod ako, ito yata ang pinakamasayang yugto sa buhay ko so far (saka syempre nu’ng nanalo ako sa The Singing Bee noong 2008 at ng Lampara Prize noong 2017). Maliban kasi sa nagbubunga na ang mga paghihirap ko para sa pinili kong sining, dumarami rin ang nakikilala kong mahuhusay na tao.

Kung anong kinarami ng mga ka-DDS, Marcos apologists, bigots at trolls na in-unfriend ko simula noong 2016, s’yang kinarami naman ng mga matatalino at talented na indibidwal na nag-aadd sa akin sa Facebook. Well, siguro hindi ganu’n karami, pero ramdam ko ang pagdagsa nila ngayon.

Ang ibig ko talagang sabihin, salamat.

Salamat dahil napapagod ako sa tamang dahilan. Salamat dahil may pinatutunguhan ang paghihirap ko. Salamat dahil may mga tao akong nasasabihan at nababahaginan ng aking tagumpay at kaligayahan. Nasa punto ako ng aking buhay na bawat araw ay tunay na kinasasabikan kong makita. Isa na lang siguro ang kulang…

ikaw.

Advertisements