Matabang Lupa

by Sankage Steno

Image result for sprout

Ipinunla ang aking binhi sa lupang
mataba at hitik sa mga bulateng
kalaban ang umaga at mga ibon.
Araw-araw diniligan ang aking buto
ng dugo at pawis na bumukal mula
sa disyertong imbakan ng krudo.
Bawat umaga ay sabay na paalam
at pagbati ng gumagapang na ugat
sa hardinero at sa hardinerang
alipin ng panginoong maylupa.

Nang sumupling ang aking talbos,
natikman ko ang abonong nabili
sa mangangalakal na singkit.
Unti-unti, tumindig ang katawan,
tumubo ang mga sangang naging
tahanan ng ibong mandaragit—
salamat sa arugang simula’t sapul
ay di naging salat sa bungkal at dilig.

Ngunit sa pag-usbong ng mayayabong
kong dahon, naging kapansin-pansin
ang kawalan ng matatamis na bungang
inasam-asam ng aking tagapag-alaga.
Ang punong tumubo sa matabang
lupa ay baliko, na ang tanging
biyaya ay lilim at mga bulaklak.

———–

This poem is inspired by Eugene Y. Evasco’s Hardinero. It is written in response to the question “Where Did I Come From?”, a writing prompt for the fellows of the 1st LGBTQ National Writers Workshop.

Advertisements