Serbesa

by Sankage Steno

Butil-butil ang pawis sa bote ng serbesa
sa pagitan ng nagsusumamong mga palad;
bolang kristal itong nagpapahayag
ng hinaharap ng kanyang mga mata.
Nalulunod sa pait ng ginintuang likido,
damdaming lasa’y di malayo sa iniinom;
pinalalaya ng markang kabayo sa dugo
ang katotohanang pilit itinatago,
hatid man din ay pagkamanhid
at pagtakas na minimithi.
Bawat lagok ay pagsagwan
palayo sa isla ng kalungkutan.
Pangarap naman itong amoniyang
iniluluwal maya’t maya sa palikuran.
At ang bawat dighay, kabiguan—
malayang tulad ng usok
mula sa sigarilyong kanyang pulutan.
Nakasusulasok
ang pinili niyang kaligtasan.
Sa huling paghalik sa nguso ng bote,
sumilay ang silahis ng araw sa orisonte:
Huling patak ng serbesa sa dila.
Unang patak ng butil ng luha.

Advertisements