Pasikat

by Sankage Steno

Hasil gambar untuk sun and earth

Walang napapala ang araw
sa araw-araw nitong pagpapasikat
sa mundong tinatanaw,
ngunit patuloy pa rin ang tala
sa umaga sa paghahasik ng biyaya.

Walang humpay ang pagtanggap
ng mundo sa init at liwanag—
kabig lang, walang salamat.

Maituturing ngang hangal
yaring tagahatid ng umaga,
wagas kung wagas sa pag-aalay
ng sarili sa minamahal.

At itong tahanan ng buhay,
nag-iisa nga sa kalawakan,
kaya mistulang lumaki sa layaw.

Ngunit ni minsan ba
ay dumaing ang araw?
Tumigil sa pagsikat
at pagbibigay ng liwanag?

Nabubuhay man sa labis na kalayaan,
batid ng mundo ang nag-iisang kasagutan.

 

Advertisements