Suri

by Sankage Steno

Dito sa gusali kung saan may laban
ang kampon ng buhay at ng kamatayan,
simputi ng dingding ang kulay ng balat,
tinakot ang dugong dumaloy sa ugat.

May kulog sa dibdib at ambon sa mata
habang nakaturok, pilak na sandata;
marahang hihigop, kukuha ng lakas
na sasailalim sa salaming hiyas.

Sabay sa mithiin ay muling paghatid
ng panlupang anghel sa katabing silid,
inaalalayan, mortal na alaga
upang mailayo sa langit at tala.

Niyakap ng saplot ang ulo ng pako
bago pa dumulog sa bakal na puno;
hubad na humarap sa patayong papag
at saka binaril ng lasong liwanag.

Ang sabi ng gabay, “Kumain ka muna
habang hinihintay ang mga resulta.”
Ang nakakagulat, kusang sumambulat
tinapay at pulot sa kamay na salat.

Anumang makita sa dugo at baga
ng pantas ng lunas, ito’y balewala
at di mahalaga kung ikukumpara
sa arugang likas at pinadarama.

 

Advertisements