17 again

by Sankage Steno

Noong 17 years old pa lang ako, sobrang excited ko sa buhay dahil incoming freshman ako sa UP Diliman. Nakapasa ako sa kursong Journalism, pero nu’ng mga panahong ‘yon, nagdadalawang-isip pa ‘ko kung itutuloy ko ba ‘yung first choice ko o lilipat sa second choice ko na course, which is Business Administration & Accountancy.

I decided to stay dahil masaya naman sa College of Mass Communication at mas komportable akong magsulat kaysa mag-compute ng kita ng mga kapitalista. Saka may plano akong may malaking kinalaman sa Journ.

Looking back, sobrang suwerte ko pala. Kahit kapos ako sa pera noong college, nairaos ko naman, salamat sa aking Mama at sa marami kong kaibigan. Ang suwerte ko dahil di pa nagtataas ang tuition noon sa UP. P300 lang per unit ang bayad ko noon. Sa isang semestre, nasa P6,000 lang ang binabayaran ko. Malaking tipid din ‘yon.

Ang suwerte ko rin kasi hindi pa pinapatay ang mga tambay at payatot noong circa 2004. Di katulad ni Kian delos Santos na lumabas lang saglit ng bahay, dinakip na ng mga pulis at pinatay kahit ilang beses pa itong nagmakaawa. Ang suwerte-suwerte ko talaga.

Ang malas ni Kian.

Ngayon, first anniversary na ng kanyang kamatayan. Dapat sana, 18 years old na s’ya. Dapat e pinoproblema n’ya ngayon ‘yung exam n’ya o project, o ‘yung love life, o ‘yung ipangtu-tuition niya sa susunod na sem. Pero tapos na lahat ‘yon. Wala na s’yang problema. Wala na ring poproblemahin ‘yung mga magulang n’ya.

Wala na silang papaaralin.

Come to think of it, masuwerte rin pala si Kian kahit papa’no. Di na kasi n’ya makikita ‘yung nangyayari sa bansa. ‘Yung panibagong shipment ng shabu na nakalagpas na naman sa Customs at nagkakahalaga ng mahigit P6 bilyon. ‘Yung patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. ‘Yung patuloy na pagpatay sa mga mahihirap.

Hindi na n’ya poproblemahin ‘yon. Suwerte! Tapos na ang paghihirap n’ya. Siguro dapat na rin niyang pasalamatan si Duterte dahil kung hindi sa kanyang war on drugs, baka namomroblema pa rin si Kian ngayon sa napakaraming bagay. Utang na loob ni Kian ang kanyang kamatayan kay Duterte.

Kamatayan talaga ang sagot sa kahirapan.

Nakakainggit din. Sana nu’ng 17 years old pa lang ako, na-Tokhang na din ako ng mga pulis. Para wala nang mang-aaway online kay Duterte at sa mga DDS. Para wala nang magsusulat ng mga kuwento at tula tungkol sa mga isyung panlipunan. Para wala nang magsusulat ng mga balita at opinyon tungkol sa mga nangyayari sa bansa. Para wala nang maingay na bakla sa blog. Saya nu’n, di ba?

Hay, nakakainggit si Kian.

Image result for kian delos santos

Advertisements