Baklang Panulaan: Mga Pahabol na Limi sa 1st LGBTQ National Writers Workshop

by Sankage Steno

Ngayon lang ako magkukuwento tungkol sa 1st LGBTQ National Writers Workshop na dinaluhan ko noong ika-23 hanggang 27 ng Hulyo dahil halos isang buwan na rin ang lumipas at medyo nakapagpahinga na ako sa mga proyekto at trabaho ko.

Gusto ko lang pagtuunan ng pansin ang mga naging puna ng mga panelista at kapwa ko fellows sa ipinasa kong kalipunan ng mga tula. Dito ko na rin titipunin ang mga natutunan ko at dapat pang pag-igihin sa pagsulat ng tula. Pero bago ang lahat, isang pagbabalik-tanaw muna sa hapon kung kailan ako sumalang sa palihan.

Nakakapagod ang oras na natapat sa akin dahil ako ang panghuling sumalang sa ikatlong araw ng palihan. Ramdam ko ang pagkabagot, pagod at antok ng mga kasama ko sa silid kaya pinipilit ko talagang magpatawa at bigyan ng buhay ang pagbabasa ko ng tula para naman makakuha ako ng magagandang feedback mula sa kanila.

Napansin ko kasi na ‘yung ibang panelista, napapapikit na o kaya ay bumabagsak ang ulo. May ilang fellows din na nakikipagkuwentuhan na lang o nakikipagbiruan sa katabi. Naiintindihan ko naman iyon at hindi naman sumama ang loob ko. Siguro dahil na rin sa ang gaganda, ang tatalino at ang huhusay ng mga punang natanggap ko. Dahil do’n, maraming salamat.

Ngayon sa mga puna.

Pinakatumatak sa akin ang mga sumusunod na sinabi ng mga panelista at fellows hinggil sa mga tula ko: “stardust and moonlight,” “musical,” “prosaic,” “lacks tension and conflict” at “wala masyadong paglilimian.”

Totoo ang lahat ng ito at humanga ako sa kanila dahil napansin talaga nila lahat ‘yan. Ibig sabihin, hindi lang nila basta binasa ang mga tula ko. Inintindi at pinaglimian talaga nila. Nakakatuwa na nakaka-intimidate. pero mas natutuwa ako dahil nga may ibang nagbabasa ng tula ko maliban sa akin.

Hihimayin ko ang bawat punang natanggap ko sa pag-asang tatatak lalo ito sa akin at lalo akong matututo.

Tungkol sa pagiging prosaic ng aking mga tula, baka dahil ito sa mas sanay akong magsulat ng prose o mga kuwento at balita kaysa tula. Pero isa ring sanhi nito marahil ay ang maling paglalatag ng mga tula sa workshop kit. Naging isang saknong lang kasi ang lahat ng tula ko, samantalang iba-iba ang porma at paghahati ko ng taludtod sa bawat tula noong ipinasa ko s’ya. Maliit na bagay lang naman.

Tungkol naman sa pagiging musical ng mga tula ko, iyon ay sa kadahilanang gusto kong mapanatili ang pagkakaroon ng mga tugma sa tula, partikular na sa tulang Tagalog. Iyon din kasi ang kinalakhan kong estilo, salamat sa mga kababayan kong sina Francisco Balagtas (na taga-Bigaa at ngayo’y bayan ng Balagtas) at Jose Corazon de Jesus (na tubong Santa Maria) at kilala rin sa tawag na Huseng Batute.

Ang mga Bulakenyong ito ang pamantayan at sandigan ko sa pagsusulat ng mga tulang may tugma (o musical, ika nga ng isang panelista).

Sina Balagtas at Huseng Batute rin siguro ang isa sa mga dahilan kung bakit ang mga tula ko ay mala-stardust and moonlight ang dating. Ibig sabihin, puro “pabebe” o patungkol sa masarap at masayang parte ng pag-ibig. Saka wala namang masama kung magsulat ako ng mga pabebeng tula na ito. May lalim naman sila kahit papaano at may hatid na hagod sa damdamin.

Ganoon din naman ang naging estilo nina Catullus at Neruda, na dalawa sa mga pinagbabatayan ko sa pagsusulat ng tula. Pero alam ko namang malayung-malayo pa ako sa apat na mahuhusay na makatang ito.

Hinggil naman sa kakulangan ng paglilimian sa tula ko, totoo. Ayaw ko kasi ng mga tulang masyadong mahirap maarok o maintindihan. Na para bang inilalayo ko ang aking sarili bilang makata sa mga taong dapat sana ay binabasa ako at ninanamnam ang aking panulat. Pero hindi ko rin naman dapat gawing dahilan ito para hindi pa palalimin o pag-igihin ang nilalaman ng aking mga akda.

Panghuli, tungkol sa kakulangan o kawalan ng tension at conflict sa aking mga tula, may malaking kinalaman dito ang pagiging bakla ko at ang mga pinagdaanan ko noong bata pa lang ako dahil sa pagiging bakla.

Gaya nga ng nasabi ko na sa palihan, karamihan sa napapanood, nababasa at napapakinggan kong kuwentong may paksang kabaklaan o may pangunahing tauhang bakla ay nauuwi sa trahedya o malungkot na katapusan. Na ang dating sa akin, at lagi ko ring tinatanong sa sarili kahit noong hindi pa ako ladlad, “WALA BANG KARAPATANG LUMIGAYA ANG MGA BAKLA?”

Naiintindihan kong lubos ang sinabi ng isang panelista na ang pag-ibig ay hindi constant. Na hindi ito puro sarap, saya at ligaya lamang. Mayroong pighati, dalita, hinagpis, panibugho, pagtataksil at kung anu-ano pa. Tama ito. Nabanggit din ito ni Balagtas sa paborito kong tula niya, ang “Labingdalawang Sugat ng Puso:”

Hirap, kalumbayan, dalita’t hinagpis,
pighati at dusa, dalamhati’t sakit,
panibugho’t sindak, bagabag, ligalig,
umiiwang lahat sa aba kong dibdib.

Ngunit dahil baguhan pa lang din ako sa pagseseryoso sa pagsulat ng tula, pinakamadali at pinakamasarap isulat ang mga tula ng pag-ibig na may kilig at tamis. Sinasalamin lang din nito ang aking mithi para sa sarili. Higit pa rito, gusto ko ring makadagdag sa mga tula at kuwentong bakla na hindi trahedya o lungkot ang katapusan.

Mahirap nga lang ipaliwanag ang lahat ng ito sa palihan dahil pagod na ang lahat, gipit sa oras, at hindi ko naman layuning makipagtagisan ng paniniwala at karunungan sa mga taong naroon. Ang hangad ko sa pagsali sa nasabing palihan ay isang bagay lamang: ang matuto.

Nagawa ko naman. Taos-pusong pasasalamat.

Bago ko tapusin ang sanaysay na ito, nais kong gamitin at subukang angkinin ang mga salitang binitawan ni Roland Barthes sa kanyang non-dialectical na Fragments d’un discours amoureux (A Lover’s Discourse: Fragments):

Le langage est une peau: je frotte mon langage contre l’autre. Comme si j’avais des mots en guise de doigts, ou des doigts au bout de mes mots. Mon langage tremble de désir.

Sa wikang Ingles, “Language is a skin: I rub my language against the other. It is as if I had words instead of fingers, or fingers at the tip of my words. My language trembles with desire.”

Ganito rin ang hangad ko sa aking tula (at mga kuwento). Ang mga tula at kuwento ay aking balat na idadampi sa sinumang dudulog sa akin. Magsasalo kami sa salita at tugma, sa sukat at melodiya, at dito ay bubuo kami ng panibagong mundong impukan at kuhanan ng aming nasa. Dahil sabi nga ni Balagtas, “[Pag-ibig] ‘pag nasok sa puso ninuman, hahamaking lahat masunod ka lamang.”

Advertisements