Puwang

by Sankage Steno

Sinunog ko ang mga imaheng impukan
ng ating nakaraan sa pag-aakalang
maaabo rin ang kambal nitong lugami.
Ako’y mali. Sa gunita ay nanatili

ang lampungan ng mga pusakal sa kama,
ang pagnanakaw ng oras nating dalawa,
kasama ang samyo ng pabango mong bigay
na ang huling patak ay kaytagal sumingaw.

Sinimot ko ang aparador na taguan
ng ating harot, halinghing at kilitian
upang hindi ka na madinig sa tainga
ng puso o maalala pa ng pandama;

ito’y mga gamit ng isang manggagamit—
bawat halik ay may katumbas na kapalit,
bawat yakap ay may kasabay na pagdukot
sa bulsang suksukan ng ipinagdadamot.

Kung bakit kayhirap makamit ng tagimtim
kahit kawanggawa sa sarili’y magiting,
hindi ko batid. Marahil nga ay may puwang
pa sa iyo ang tahanan ng isang hunghang.

This poem is inspired by Thomas Leonard Shaw’s “A Question of Memory,” a collection of poignant poems submitted to the 1st LGBTQ National Writers Workshop.

Advertisements