Lawa

by Sankage Steno

Sinasabing itong lawa
ay inipong mga luha
ng naluging mangingisda
sa merkado ng paraya

Pinakawalan ang húling
buong magdamag kapiling
sa akalang iibigin
ng isda ang tagapain

Ngunit lumangoy palayo
sa nagniningas na sulo
ang tilapyang nagkanulo
sa kinalakihang pulo

Habang sagwan ay iisa
sa bangka ng balong isla
sa lawa ay umaasa
ang mahiyaing sirena

 

Advertisements