Siling labuyo

by Sankage Steno

Nakagat ko yung siling labuyo sa kalderetang baka na inulam ko kanina. Grabe yung effect sa ‘kin. Feeling ko ako bigla si Henry Sy or si Lucio Tan. Anlakas makaalta sa pakiramdam. Namawis yung anit ko sa tindi ng #yayamanin effect.

I feel so privileged.

Ikaw ba naman ang hainan ng pagkaing may siling labuyo, di ba? Ewan ko na lang kung hindi ka pa tablan ng inflation conscience sa tindi ng presyo ng mga bilihin ngayon. Biruin mo, sanlibo sangkilo ng sili? E sa bakuran namin pinipitas lang ‘yon. Iba rin talaga ang panahon ngayon.

Nakakabahala rin kasi dahil maliban sa sili, pati bigas e nagmahal na. Yung dati naming kinakain na medyo maalsa at ‘pag dinamihan ng tubig e sakto lang ang pagkalata (na gustung-gusto ko), ngayon e napalitan na ng tuyo at biyak-biyak na butil. Para kang kumakain ng malalambot ng buhangin. Kadiri.

E ganun talaga. Kailangang magtipid lalo. Gustuhin ko mang dagdagan yung binibigay kong pera sa bahay sa Bulacan buwan-buwan, hindi ko magawa. Kasi nga, tumaas din ang gastos ko rito sa Makati. Nabawasan nga yung tax na kinakaltas sa sweldo ko, grabe naman ang itinaas ng iba kong gastusin.

Tapos ang dami-dami ko pang paparating na gastos. Dalawang kasal yung aatenan ko sa Nobyembre at Disyembre. Tapos mag-uundas pa, so kailangan ko ring magbigay ng pera para sa paglilinis at pagpapaayos ng puntod ni Papa. ‘Wag na nating pag-usapan yung gastos sa Pasko. Hina-highblood ako.

Siguro kung nabubuhay pa si Papa at hindi pa retired si Mama, baka burgis na burgis na ang pamumuhay namin ngayon. Baka hindi kami masyadong apektado ng inflation na ‘yan. E kasi ba naman, binoto-boto n’yo yung walang alam at puro kuda lang. Napala natin? Haynako. Di kasi nakinig sa akin noon. Ako pa ang inaway at pinalabas na masama. O sinong tama sa ‘tin ngayon?

Ako.

Anyway, past is past. Kailangang mag-focus sa kasalukuyan. Sana lang hindi kami bumalik sa panahong nagkakaaway kami ni Mama dahil sa pera. Dati kasi, apat kaming nag-aaral nang sabay-sabay (2 college, 1 high school at 1 elementary), tapos si Mama lang yung nagtatrabaho. Ang hirap sa parte ng magulang, di ba?

Sabi ko nga kay Mama noong third year na ‘ko sa UP, “Ma, stop muna ako. Mag-work muna ako kahit sa call center.” Hindi ko pa natatapos yung gusto kong sabihin, naiyak na ‘ko. Hindi ko alam na ganu’n ko pala gustong makatapos ng pag-aaral. Grabe.

Pinigilan ako ni Mama, syempre. Di ko alam kung sa’n s’ya kumuha ng pangmatrikula namin saka panggastos sa bahay. Amazing ni Mama. Andaya naman kasi ni Papa, ang agang bumigay. (Come to think of it, magdadalawang dekada nang patay si Papa, pero nami-miss ko pa rin s’ya paminsan-minsan. Tulad ngayon. At mas mahaba na yung taon sa buhay ko na wala s’ya kesa yung panahong kasama ko s’ya. Hay.)

Nakokonsensya nga ako kasi kapag nagkakasamaan kami ng loob ni Mama dati dahil sa mga problema sa buhay, sinasabihan ko s’ya ng, “Ba’t ba ako inaaway mo? Tayo nga dapat ang magkakampi dito sa bahay (na ang daming kamag-anak na excess baggage namin).” Nagkakataasan kami talaga ng boses.

Saka ko na lang naintindihan na kaya pala nagagalit si Mama e dahil nahihirapan na s’ya, at wala s’yang ibang mapagbuntunan ng sama ng loob kundi ako. Sana talaga mas naintindihan ko ‘to noon para hindi ko nadagdagan yung sama ng loob ni Mama.

Love you, Ma. ❤

Nakakatakot lang na dahil tumataas ang bilihin pero hindi tumataas yung sahod ko nang ganu’n kabilis e baka maulit na naman yung pamomroblema namin noon sa pera. Maswerte pa nga ngayon at walang may malubhang sakit sa amin. Di tulad noon na, juskolangtalaga, sabay-sabay ang problema sa buhay. (Come to think of it, buo pa rin ang samahan namin sa pamilya at mas mahal namin ang isa’t isa ngayon.)

Tiwala naman akong makakayanan namin ang mga susunod na dagok sa buhay dahil sa mga pinagdaanan namin noon. Pero kung pwede lang, ‘wag na sanang dumating yung panahong ‘yon. Ngayon pa lang ako/kami nakakahinga nang maluwag. Ngayon pa lang ako nakakaipon ulit. Wala muna sanang malaking problema ang dumating sa amin.

Okay na yung sanlibo kada kilo ng siling labuyo. Makakaya pa namin ‘yun. Mahilig ako sa maanghang, pero kaya ko namang kumain kahit walang sili. Kaya pa.

Image result for siling labuyo 1,000

Advertisements