Kung makikipaghiwalay ka sa akin

by Sankage Steno

Image result for man depressed

Kung makikipaghiwalay ka sa ‘kin, siguraduhin mo lang:

na di ako makakapasyal mag-isa sa Trinoma’t SM
nang hindi nakikita ang anino mo sa tambayan natin,

na di ako makakapunta sa Jollibee para kumain
dahil mao-order ko lagi ang paborito mong palabok,

na di ako makakasakay ng MRT o ng LRT
nang hindi naaalala ng balat ko ang gitgitan natin,

na di ako makakatawid sa EDSA, Roxas o Commonwealth
dahil hahanap-hanapin pa rin ng kamay ko ang kamay mo,

na di ako makaka-book ng flight sa PAL o Cebu Pacific
nang hindi itinitipa ang pangalan ko at pangalan mo,

na di ako makakagamit ng Facebook, Instagram o Twitter
dahil baka mai-tag kita sa nakakatawang post o meme,

na di ako makakatanaw sa buwan at mga bituin
nang hindi nangangarap na sana’y habambuhay kang kapiling,

na di ako makakatulog gabi-gabi nang sobrang himbing
dahil may mga halik at yakap akong aasam-asamin.

Kung makikipaghiwalay ka sa ‘kin, ako’y iyong wasakin
dahil kung hindi, ni isang tula sa iyo’y di susulatin.

 

Advertisements